(NI NOEL ABUEL)
NANAWAGAN ang Commission on Elections (Comelec) sa taumbayan ng tulong upang matukoy kung sinong grupo ang sangkot sa ‘partylist for sale’ upang mapanagot sa batas.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Electoral Reforms and People’s Participation, hiniling ni Comelec Commissioner Antonio Kho Jr. sa publiko na maghain at magsumbong sa poll body para maimbestigahan kung totoong may grupo o indibiduwal na sangkot sa ‘party list for sale’.
Una nito, sinabi nina Senador Imee Marcos, chairman ng komite, at Senador Bong Go, usap-usapan nang sinasamantala anila ng mga mayayaman at maimpluwensyang pamilya ang party list system para makakuha ng posisyon sa Kamara.
Sinabi ni Go, na nabalitaan nito na ilang sikat na indibiduwal ang bumibili umano ng partylist para makakuha ng posisyon sa Kamara.
“Papaano po natin ito maiiwasan,” tanong pa ni Go.
Tugon naman ni Kho, tanging sa balita lamang aniya nito naririnig ang nasabing isyu subalit wala pang napapatunayang nangyayari ito.
“‘Yung partylist for sale, as they say, I undestandand everyone heard this from newspaper, but wala pang kaming natatanggap na concrete complaint alleging this apparently from the transaction itself highly confidential ito among those involve in the transaksiyon. However if any person who have concrete evidence, we invite them to file a petition to cancel the registration of that particular party list, open kami diyan, we encourage people to file those cases,” paliwanag ni Kho.
Samantala, nagkasundo ang mga senador at opisyales ng Comelec at Department of the Interior and Local Government (DILG) na ipagpaliban ang Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections at gawin na lamang ito sa taong 2023.
Ito anila ay upang bigyan ng pahinga ang Comelec na makapaghanda matapos ang May 2022 national elections.
“Our preference is it should not be the same year of our national elections. It could be done one year before or one year after,” ani Efraim Bag-Id, officer in charge ng Comelec campaign finance office.
225