(NI KEVIN COLLANTES/PHOTO BY ARCHIE CRUZ POYAWAN)
NAKAHANDA ang tanggapan ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Royina Garma sa anumang uri ng imbestigasyon na isasagawa ng mga awtoridad, kaugnay ng alegasyon ng korapsiyon.
Ayon kay Garma, bukas sila sa anumang uri imbestigasyon at ipinaubaya na ang pagsasagawa nito sa mga awtoridad.
Tiniyak naman niya na habang isinasagawa ang imbestigasyon ay ipagpapatuloy pa rin nila ang kanilang trabaho upang mapaghusay pa at maging transparent ang proseso ng kanilang mga gaming activities.
Matatandaang nitong Sabado ay ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapatigil sa lahat ng gaming activities ng PCSO dahil sa umano’y katiwalian.
Inatasan naman ng Department of Justice (DOJ) ang National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang naturang isyu.
“Corruption, napakalawak po ng definition. I will leave that to the investigators. Ang parameters ko , I was able to achieve my goals. Our office is open sa lahat ng klase ng investigation,” ani Garma, sa isang pulong balitaan kahapon.
“While investigators are validating the report, ako po ay gagawa rin ng trabaho na alamin paano i-improve ang proseso ng games namin para maging more transparent,” dagdag pa niya.
Kinumpirma rin naman ni Garma na siya mismo ang lumapit sa Pangulo upang idulog ang kanilang problema at panig.
Nitong Martes, inalis ng Pangulo ang suspensiyon sa operasyon ng lotto, ngunit nananatili namang suspendido ang small town lottery (STL), KENO at peryahan ng bayan.
141