PCSO NAGBIGAY NG P6.5-M AYUDA SA PAMPANGA, ZAMBALES

pcso12

(NI KEVIN COLLANTES)

INIANUNSIYO ng pamunuan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na kabuuang P6.5 milyon ang halaga ng calamity fund na ipinagkaloob sa mga lalawigan ng Pampanga at Zambales, na pinaka-naapektuhan ng magnitude 6.1 na lindol na tumama sa Luzon noong Abril 22.

Ayon kay PCSO Director Sandra Cam, P5 milyon sa naturang kabuuang halaga ang inilaan nila para sa Pampanga, habang P1.5 milyon naman para sa Zambales, upang ipantulong sa mga biktima ng lindol.

Sinabi ni Cam na ang naturang calamity fund ay itinakda ng PCSO Board of Directors (BOD) matapos ang isinagawa nilang pagbisita at assessment sa epekto ng lindol.

Matatandaang una nang tiniyak ni Cam na bukod sa calamity fund ay pagkakalooban rin nila ng medical assistance ang mga biktima ng lindol na naka-confine sa mga pagamutan, sa pamamagitan ng kanilang Individual Medical Assistance Program (IMAP).

Partikular na aayudahan ng PCSO ang dalawang empleyado ng gumuhong Chuzon supermarket, na sina Maria Lourdes Martin, 25, at Desiree Pacun, na kapwa naputulan ng binti, kaya’t pagkakalooban ng artificial legs upang kaagad na makabalik sa normal ang buhay ng mga ito.

375

Related posts

Leave a Comment