SANG-AYON ang Department of Health (DOH) na imbestigahan at mapakinggan ng mga awtoridad ng mga sangkot na bansa ang sinasabing sekretong kampanya na inilunsad ng US Defense Department o Pentagon para siraan ang Sinovac vaccine ng China sa Pilipinas sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Sa ulat ng international news agency na Reuters, nagpakalat umano ng COVID-19 misinformation ang US military sa pamamagitan ng online platform na X, dating Twitter.
Tinukoy nito ang hindi bababa sa 300 accounts na halos lahat ay ginawa noong summer ng 2020 at nakasentro sa slogan na #Chinaangvirus.
Gumamit umano ang Pentagon ng huwad na accounts online na nagpapanggap na mga Pilipino kung saan ang propaganda nito ay naging isang kampanya kontra sa pagbabakuna.
Binabatikos sa mga post sa social media ang kalidad ng mga face mask, mga test kit, at ang unang bakunang naging available sa Pilipinas na Sinovac mula China.
Samantala, ipinaliwanag ni Health spokesperson Ass. Sec. Albert Domingo na mayroon na ring nailathala at peer-viewed studies katulad ng Tejero et al. sa BMC Public Health kung saan napag-alaman na ang mga desisyon sa pagbabakuna sa mga Pilipino ay tinukoy sa pamamagitan ng kanilang edad, educational attainment, health insurance, employer requirement, mataas na kamalayan sa sakit, at mataas na antas ng kumpiyansa sa bakuna. (JULIET PACOT)
150