Sa pagpayag ni PDu30 na maging ‘transit’ ng Kano – solon
(BERNARD TAGUINOD)
HINDI maiwasang pag-initan ng Iran ang Pilipinas dahil papayagan umano ni Pangulong Rodrigo Duterte na gawing “transit” ng mga Amerikanong sundalo ang bansa kapag nauwi sa giyera ang tensyon sa Gitnang Silangan.
Mistulang naguluhan din si Bayan Muna party-list Rep. Ferdinand Gaite dahil habang umaapela si Duterte sa Iran na protekhan ang mga Filipino sa kanilang bansa, ay papayagan nito ang Amerika na gamitin ang Pilipinas bilang kanilang transit point.
“This is a conflicting policy statement by the president that would in fact put OFWs in the Middle East in danger. This would also make the Philippines a target for retaliatory attacks because US troops would be here,” ani Gaite.
Dahil sa Mutual Defense Treaty (MDT) na umiiral mula 1951, tumulong ang Pilipinas sa Amerika noong panahon ng Vietnam War, Korean Peninsula War at maging noong giyerahin ng Estados Unidos ang Iraq.
Bukod sa MDT ay umiiral din ang Visiting Forces Agreement (VFA) kung saan maaaring magsanay rito ang mga Amerikanong sundalo kasama ang mga sundalong Filipino.
EVAC PLAN
Ipatutupad na ang evacuation para sa lahat ng OFWs na posibleng maapektuhan ng tensiyon sa pagitan ng Amerika at Iran.
Nagpakawala kasi ng missiles ang Iran at tinarget ang military base ng Amerika sa Iraq .
Sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na base sa instruction ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, kapag uminit ang tensiyon ay agad na palikasin ang mga OFW lalo na sa mga apektadong bansa.
Samantala, handa na ang Armed Forces of the Philippines na ideploy ang kanilang mga bagong biling barko at C130 planes sa Iran at Iraq.
MAY PONDO
Tiniyak naman ng Department of Finance (DoF) na may nakalaang pondo ang pamahalaan para sa pagpapauwi ng mga Filipino mula sa Iran at Iraq.
Sinabi ni Finance Assistant Secretary Rolando Toledo na hindi pa man iniaanunsyo ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang direktiba sa DOF na maglaan ng pondo para sa pagpapauwi ng mga Filipino ay may nakalaan na ang departamento para rito.
1.29 bilyong pisong pondo aniya ang gagamitin ng DFA para sa repatriation program.
Samantala, nakahandang ikasa ni Senate Majority Leader Juan Miguel “Migz” Zubiri ang isang panukala upang bigyan ng supplemental budget ang pamahalaan sa pagpapauwi ng mga Pinoy na posibleng maipit sa tumitinding sigalot sa pagitan ng US at Iran.
Sa pahayag, sinabi ni Zubiri na nakahanda ang Senado na magbukas ng special session upang matugunan ang sitwasyon na kinakaharap ng OFWs sa Middle East sa pamamagitan ng supplemental budget.
Sinuportahan din ni Zubiri ang pagbuo ng isang Crisis Committee na siyang mangangasiwa ng massive plan na maibalik ang mga OFW sakaling sumiklab ang giyera sa Gitnang Silangan.
Samantala, nakiusap naman si Senador Joel Villanueva sa mga Pinoy sa Iraq na sundin ang panawagan ng pamahalaan na umuwi na sa Pilipinas upang maiwasang maipit sa napipintong giyera.
SUNDALO
Kinumpirma kahapon ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang utos ni Pangulong Duterte na magpadala ng dalawang batalyon ng sundalo sa Middle East.
Agad namang nilinaw ni Sec. Lorenzana na hindi isasabak sa digmaan ang mga tauhan ng Armed Forces of the Philippinesm sa halip ay magsisilbi silang protektor ng mga Pinoy.
ALERT LEVEL 4
ITINAAS na ng Pilipinas ang Crisis Alert sa Iraq sa Alert level 4, kasunod ng patuloy na tension doon kasunod ng pagkakapatay kay Iranian military general Qassem Soleimani mula sa isang US drone strike.
Ang Alert level 4 ang pinakamataas na travel advisory sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Itinataas ito kapag mayroon umanong “large-scale internal conflict or full-blown external attack.”
“Inatasan na po ng Pangulong Rodrigo Duterte ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan ng Pilipinas, kasama na po ang Embahada ng Pilipinas sa Iraq para ilikas ang mga Pilipino rito sa bansa,” sinabi ni Philippine Chargè d’ Affairès Jomar Sadie sa isang Facebook Live video. (May dagdag na ulat sina CHRISTIAN DALE, ESTONG REYES, JESSE KABEL at KIKO CUETO)
129