‘PINAS, IKA-6 SA PINAKAMARAMING FREELANCE WORKER SA MUNDO

(NI DANG SAMSON-GARCIA)

ITINUTURING ang Pilipinas bilang ikaanim na pinakamalaking freelance market sa buong mundo.

Ito ang sinabi ni Senador Joel Villanueva, Chair ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development, base sa 2019 Global Gig Index.

Ayon sa senador, lumabas sa nasabing pag-aaral na tumaas ang Philippine Freelance Market ng 35-percent.
Dahil dito, panahon na anya upang magpasa ng batas na magbibigay ng proteksyon sa mga freelance worker.

“The global gig index noted that the Philippine freelance market grew in 2019, grew in revenue by 35 percent making it 6th largest frelance market in the world,” saad ni Villanueva sa pagdinig ng panukala para sa Compressed Work Week.

Si Villanueva ang may-akda ng Senate Bill No. 155 o An Act Providing Protection to Freelancers.

Bilang tugon, sinabi naman ni Labor Secretary Silvestre Bello III na suportado ng kagawaran ang panukala.

Sa ngayon anya ay walang proteksyon ang mga freelance worker dahil hindi sila sakop ng labor standards.

Sa explanatory note ng kanyang panukala, tinukoy ni Villanueva na salig sa pag-aaral ng PayPal, hindi bababa sa 1.5 million ang mga Pilipinong freelancer.

Sa ilalim ng panukala, dapat ay maroong kontrata sa pagitan ng hiring party at ng freelance worker na maglalaman ng lahat ng serbisyong gagawin ng manggagawa gayundin ang halaga at paraan ng pagtanggap niya ng kompensasyon.

Dapat ay matanggap din ng freelance worker ang kabayaran sa kanyang serbisyo 30 araw pagkatapos niyang makumpleto ang kanyang trabaho.

266

Related posts

Leave a Comment