PINAS NANANATILING LIGTAS SA ‘BLOODY WAR ON DRUGS’

Atty Salvador Panelo

(Ni LILIBETH JULIAN)

Kumbinsido ang Malacanang na patuloy na ligtas ang mamamayang Filipino sa pagpapatuloy na madugong kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa iligal na droga at kriminalidad kahit tumaas ang bilang ng mga krimeng nararanasan ng mamamayan.

Ito ang pahayag ng tagapagsalita ng Pangulo na si Atty. Salvador Panelo matapos ilabas ang hindi paborableng 3rd quarter survey ng Social Weather Stations (SWS) sa gyera laban sa droga at kriminalidad ng administrasyon.

Ayon sa sarbey, 6.1% ng pamilyang Filipino (o 1.4 milyon) ang nabiktima ng tinatawag na “common crimes” tulad ng pandurukot at pagnanakaw sa nakalipas na anim na buwan.

Ang sarbey ay isinagawa nitong Setyembre 15 hanggang 23.

Malinaw sa datos na tumaas ng 0.7 puntos kumpara sa 5.3% (o 1.2 milyong pamilyang Filipino) na naitala noong 2nd quarter survey.

Iginiit ni Panelo na pinakamababa pa rin ang bilang kahit tumaas ito nang bahagya kung ikukumpara sa termino ni dating Pangulong Benigno Aquino III.

Ang datos na ginamit ni Panelo ay September 2013 survey na 13 porsiyento ang antas ng krimen sa bansa.

Tiniyak naman ng opisyal na mananatili ang pagpapatupad ng kampanya ng administrasyon laban sa droga at iba’t ibang tipo ng krimen.

7

Related posts

Leave a Comment