(NI DAVE MEDINA)
INALERTO kahapon ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang mga Filipino resident sa Estados Unidos na magkakaroon ng napakalakas na bagyo ng yelo at snow sa tatlong states doon kaya triple pag-iingat ang kanilang kailangan.
Itinuro ng DFA na maaapektuhan ng winter storm ang mga American states na New Jersey, Southern Connecticut at timog silangan ng New York kaya dapat na ang mga residente roon ay iwasan ang pagbibiyahe-biyahe sa susunod na ilang araw.
Inaasahan ng DFA na magiging mabagsik ang inaasahang pananalasa sa Amerika ng winter storm.
Ayon sa DFA, ang Philippine Consulate General ay naging maagap naman sa pag-aabiso sa Filipino community tiyaking mayroon sila ng sapat na supply ng mga pangunahing pangangailangan, maging lubos na maingat , iwasan ang biyahe, at magbantay sa mga pangyayari sa kanilang lugar.
Sa inilabas ng DFA na anunsyo, tiniyak nito ang mahigpit na pagsubaybay na ipinatutupad ng Konsulada duon
sa sitwasyon sa Midwest at Northeast Region dahil inaasahan na umano nila ang posibilidad na magiging napakasama ng panahon sanhi ng ikalawa na itong bagyo sa serye ng mga bagyo na tatama sa US.
Inaasahan umano na magiging napakakapal ng yelo at nyebe sa bandang norte, samantalang malakas na ulan naman ang babayo sa katimugan ng Estados Unidos.
632