(NI BERNARD TAGUINOD)
NAPATUNAYAN na walang pakialam at pagpapahalaga si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga kabataan matapos nitong i-veto ang anti-palo bill 0 “Non-Violent Discipline of Children Act”.
Ito ang opinyon ni Akbayan party-list Rep. Tom Villarin matapos ibasura ng Pangulo ang magbibigay sana ng proteksyon sa mga kabataan laban a verbal at physical abuse.
“It is unfortunate because children nowadays are subjected to all forms of physical and mental violence,” dagdag pa ng mambabatas kaya laglag ang balikat ng mga kongresistang nagsusulong sa nasabing kanukala.
Sakaling naging batas ito, makukulong ng hanggang anim na buwan ang sinuman na papalo, pananampal, sisipa, at iba pang uri ng pananakit sa mga kabataan o kaya pagsalitaan ang mga ito ng masasama.
Pero hindi na nagulat si Villarin sa naging desisyon ng Pangulo sa nasabing panukala dahil mismong ito ang nagsusulong aniya na ibaba ang minimum age of criminal responsibility ng mga kabataan mula 15 anyos sa 12 anyos.
“It is disturbing because Malacanang instead wants to promote measures that put children at risk like the lowering the minimum age of criminal responsibility. It also puts the future of our country at risk,” ayon kay Villarin.
Naipasa na sa Kamara ang nasabing panukala subalit hindi pa ito naging ganap na batas dahil hindi pa umaaksyon ang Senado para sa kanilang hiwalay na bersyon subalit kabilang si Duterte sa mga nagnanais na maibaba ang edad ng mga kabataan na paparusahan kapag nagsala ang mga ito sa batas.
133