(NI NICK ECHEVARRIA)
AMINADO ang Philippine National Police PNP) na may mga kidnapping incident sa bansa lalo na sa bahagi ng Mindanao kung saan nagkukubli ang mga teroristang grupo.
Ito ang ipinahayag ni PNP spokesperson P/Col. Bernard Banac kasabay ang pagdiddiin na walang dapat ipangamba ang publiko dahil hindi naman nagpapabaya ang mga kapulisan at militar.
Sa katunayan umano ay kontrolado aniya ang peace and order sa bansa dahil sa mahigpit na seguridad na ipinatutupad ng mga awtoridad.
Tinukoy pa ng tagapagsalita ng PNP ang patuloy na pagbaba ng mga kidnapping incidents sa bansa mula 2017 hanggang sa unang tatlong buwan ng kasalukuyang taon.
Gayunman inamin ni Banac na may naitalang 48 biktima ng kidnapping sa Southern Philippines na kagagawan ng mga teroristang grupo na isa sa mga dahilan kung bakit isinailalim sa Martial Law ang buong Mindanao.
Bagamat karamihan sa mga kaso ng pagdukot sa Mindanao ay kidnap for ransom nilinaw ni Banac na may iba pa ring dahilan tulad ng mga personal na galit o kaya naman ay business rivalry.
Patuloy naman aniya ang intelligence information gatherings ng mga security forces sa mga suspected kidnapping groups para malansag at mapanagot ang mga ito sa batas.
Ginawa ni Banac ang pahayag bilang reaksyon sa ipinalabas na travel advisory ng Amerika sa kanilang mamamayan na nagtutungo sa bansa at sa napaulat na pang 35 ang Pilipinas sa mga bansa sa mundo bilang may mataas na kaso ng kidnapping.
Ayon sa PNP normal lamang sa isang bansa na magpalabas ng security advisory para sa kanilang mga kababayan.
181