(NI BERNARD TAGUINOD)
PALIIT nang paliit ang mga ipinadadalang pera ng mga overseas Filipino workers (OFWs) na nakabase sa mainland China sa nakaraang dalawang taon sa hindi malamang dahilan.
Ito ang nabatid kay Kabayan party-list Rep. Ron Salo base na rin umano sa datos na inilabas ng Bangko Sentral ng Pilipinas bagama’t pumalo sa $33.8 Billion ang kabuuang remittances ng mga OFWs noong 2018.
“From a high of about $170 million in 2016, OFW money sent from the Chinese mainland to dependents here in the Philippines fell to $70 million in 2017 and $48 million last year,” ani Salo.
Walang paliwanag si Salo kung bakit halos 50% ang ibinagsak ng remittances ng mga OFWs na nagtatrabaho sa mainland China kaya kasama na ang bansang ito sa Gitnang Silangan na nabawasan ang ipinadadalang pera ng mga OFWs dahil naman sa Saudization policy o inuunang ine-empleyo ang mga Saudi nationals bago ang ibang lahi.
Hindi lingid sa kaalaman ng marami na mainit ang mga Filipino sa China dahil sa pambu-bully ng nasabing bansa sa Pilipinas makaraang angkinin at sakupin ng mga ito ang West Philippine Sea at itinataboy ng mga ito ang mangingisda sa ating teritoryo.
Pinakamalaki naman sa kabuuang cash transfer ng OFWs noong 2018 ay mula sa United States (US) dahil umaabot ito sa 35.5% habang ang natitira ay pinagsama-sama mula sa mga ipinadadalang pera ng mga Filipino sa Saudi Arabia, Singapore, United Kingdom, United Arab Emirates, Japan, Canada, Qatar, Hong Kong at Kuwait
INDIA PANALO SA REMITTANCES
Samantala, kung paramihan at palakihan naman ng remittances mula sa kanilang kababayan na nagtatrabaho sa iba’t ibang panig ng mundo, nangunguna rito ang bansang India.
Ito ay matapos umabot sa $78.6 billion ang remittances na natanggap ng India mula sa kanilang mga migrant workers na sinundan naman ng China sa halagang $67.4 billion noong 2018.
Sumunod dito ang Mexico matapos umabot $35.7 billion ang ipinadala ng mga Mexicano sa kanilang bansa noong 2018 na sinundan naman ng Pilipinas sa halagang $33.8 Billion.
247