PNP: DACERA ‘DI GINAHASA, ‘DI PINATAY

(NELSON S. BADILLA)

HINDI ginahasa at lalong hindi pinatay si Christine Dacera.

Ito ang resulta ng autopsy report ng Crime Laboratory ng Philippine National Police (PNP) na lumabas noong Enero 11.

Kahapon inilabas sa media ng PNP ang nasabing ulat.

Ayon sa masusing pagsisiyasat at pag-aaral ng medical experts ng PNP, si Dacera ay binawian ng buhay dahil sa “ruptured aortic aneurysm”.

Tumaas sa 500 gramo ang timbang ng puso ng dalaga na malayo sa 300 gramo na siyang normal na timbang ng puso, ayon sa ulat ng PNP.

Nilinaw sa parehong ulat na ang nasabing sanhi ng pagkamatay ni Dacera ay isang “medical condition”.

Malayo at tahasang salungat ito sa unang pahayag ng mismong pinuno ng PNP na si General Debold Sinas na ginahasa at pinatay si Dacera.

Sabi pa noon ni Sinas na labing-isa ang suspek sa krimen.

Kagyat na sinampahan ng mga kaso ang mga suspek sa piskalya ng lungsod ng Makati, ngunit mabilis ding ibinasura ang mga reklamo dahil sa walang malinaw na ebidensiya laban sa mga akusado.

Nagpasya ang piskalya na magsagawa ng “preliminary investigation” upang matukoy kung sino, o sinu-sino ang may kinalaman sa pagkamatay ni Dacera.

Nagkaroon pa ng kontrobersiya sa preliminary investigation dahil umamin ang ilan sa mga suspek na ‘may naglagay’ ng ilegal na droga sa inumin ni Dacera. Ngunit, binawi rin nila ito at sinabing napilitan silang sabihin ito dahil sa pananakot umano ng ilang pulis sa Makati na ‘mabubulok’ sila sa kulungan kung hindi babanggitin sa piskalya ang isyu tungkol sa ilegal na droga.

Ayon sa medico – legal expert ng PNP na si Lt. Col. Joseph Palmero, “raptured within few hours” ang ikinamatay ni Dacera.

“Rape and/or drug overdose will not result (in) the development of aneurysms. Even overdose and ruptured aneurysm are two different conditions and cannot be both included as cause of death of a patient,” paliwanag ni Palmero.

Batay sa impormasyong nakalap at napag-aralan ng kanyang tanggapan hinggil sa pagkamatay ni Dacera, tinukoy ni Palmero na “the manner of death is classified as natural death”.

Kasama ang labing-isang kaibigan, si Dacera ay nagdiwang sa pagsalubong ng Bagong taon sa City Garden Grand Hotel sa lungsod ng Makati kung saan siya napabalitang namatay.

Isinugod siya sa pinakamalapit na pagamutan, ngunit hindi rin naisalba.

Anim na buwang sinuspinde ng Department of Tourism (DOT) ang operasyon ng City Garden Grand Hotel dahil nilabag nito ang accreditation na ibinigay rito para magsibing quarantine facility ngayong panahon ng COVID-19 pandemic.

Sa kabila ng bagong impormasyong inilabas ng PNP, hindi awtomatikong tuluyan nang sarado ang kaso ni Dacera dahil patuloy na nagsasagawa ng hiwalay at sariling imbestigasyon ang National Bureau of Investigation (NBI), alinsunod sa utos ni Justice Menardo Guevarra.

67

Related posts

Leave a Comment