PNP TUTUTOK DIN SA PRICE FREEZE SA M’DANAO QUAKE

(NI NICK ECHEVARRIA)

PINATITIYAK ni Philippine National Police OIC P/LtGen. Archie Gamboa sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na mahigpit na maipatupad ang pag-iral ng price freeze sa mga lugar na apektado ng magkakasunod na lindol sa Mindanao.

Ayon kay Gamboa, kasama aniya ang CIDG ang grupo ng Department of Trade and Industry (DTI) at mga lokal na pamahalaan sa pag-iikot upang silipin kung nananatili pa  sa normal ang presyuhan ng mga pangunahing bilihin sa mga apektadong lugar.

Kabilang sa mga pinababantayan ay ang mga de-Lata tulad ng sardinas, gatas, bottled water, instant noodles, kape, sabon, tinapay, asin, bigas, mais, mantika, karne ng baboy, manok at baka maging ng gasolina.

Sinabi ni Gamboa na aabot sa 2,700 pulis ang nakatutok mula sa Regions 10, 11 at 12 para tumulong sa search and rescue operations gayundin ang pagbabantay sa mga evacuation centers kung saan, tumutuloy ngayon ang may halos 30,000 evacuees.

Samantala, hinimok ni Gamboa ang mga pulis na mag-donate sa mga biktima ng lindol.

Malaking tulong aniya kung makapagbibigay ng kahit tig-P10 ang bawat isa sa 190 libong mga miyembro ng PNP.

Gayunman, hindi naman aniya limitado lang sa P10 ang maari nilang i-donate dahil welcome kung ano ang makakaya nilang ibigay, partikular ang mga heneral na may mas malalaking sweldo.

 

189

Related posts

Leave a Comment