POGO NAKAPIPINSALA SA BANSA – SURVEY

MAYORYA sa mga Pilipino ang naniniwala na nakapipinsala lamang sa bansa ang presensya ng Philippine Offshore Gaming Operators o mga POGO.

Ito, ayon kay Senador Sherwin Gatchalian ay batay sa survey na isinagawa ng Pulse Asia mula Nobyembre 27 hanggang Disyembre 1 noong nakaraang taon.

Sa survey, lumitaw na 58 percent ng mga respondent ang nagsabing nakasasama ang operasyon ng mga POGO sa bansa habang 19 percent lamang ang nagsabi na kapaki-pakinabang ang operasyon nito.

Kabilang sa mga dahilan kaya naniniwala ang mga respondent na nakapipinsala ang nasabing industriya, ang paglaganap ng mga bisyo, pagtaas ng insidente ng krimen na may kaugnayan sa POGO na kinasasangkutan ng mga Chinese national, tax evasion ng POGOs, pagtaas ng bilang ng mga Chinese national na nagtatrabaho sa mga POGO, walang karagdagang oportunidad na ibinigay sa mga Pilipino, at pagtaas ng halaga ng upa, tirahan, o mga ari-arian ng negosyo.

“Ang resulta ng survey ay isang mahalagang bahagi ng data na aming isinasaalang-alang dahil ang data ay kumakatawan sa mga sentimyento ng ating mga kababayan at nagbibigay ng mahahalagang impormasyon sa isyung ito,” pahayag ni Gatchalian.

Una nang inihayag ni Gatchalian na binubuo na ng Senate Committee on Ways and Means ang committee report kaugnay sa mga pagdinig ng komite sa mga epekto ng POGO operations sa ekonomiya. (DANG SAMSON-GARCIA)

42

Related posts

Leave a Comment