PRANGKISA NG SMNI PUNTIRYA SA KAMARA

ISASALANG na sa imbestigasyon ang Sonshine Media Network International (SMNI) dahil sa pagkakalat umano ng fake news na posibleng maging dahilan para bawiin ang kanilang prangkisa.

Sa mosyon ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, sisimulan na umano ng House committee on legislative franchise na pinamumunuan ni Paranaque Rep. Gus Tambunting ang imbestigasyon sa SMNI.

Ginawa ni Adiong ang mosyon sa kanyang interpelasyon sa privilege speech ni Quezon Rep. David “Jay-Jay” Suarez kaugnay ng alegasyon umano ng SMNI na may P1.8 billion travel funds si House Speaker Martin Romualdez.

“Doon po sa video na ‘yun na ipinalabas sa SMNI, at 10:27 p.m. [Monday], doon sinasabi that Speaker Martin Romualdez spent P1.8 billion in traveling. At dinagdagan pa, baka nga hindi lang P1.8 [billion] mahigitan pa kasama ng kanyang entourage,” ani Suarez.

“Ang tanong, is it true? Ang tanong, totoo ba ito? Did they even care to validate? Did they even care to ask? Did they even care to find out what really is the truth with regards to this matter? We are all public officials and we are all open to criticisms and public opinions and unfortunately open to fake news. At ito pong ipinalabas ng SMNI, isa pong fake news Hindi po ito totoo,” dagdag pa ng mambabatas.

Kasunod ito ng sertipikasyon ni House Secretary General Reginald Velasco na walang ganitong uri ng pondo ang Speaker of the House kaya iginiit nito na mag-imbestiga na ang komite ni Tambunting na sinegundahan ni Adiong sa pamamagitan ng mosyon.

Dahil dito, agad na nagkasa ang nasabing komite ng imbestigasyon para alamin kung nalalabag na ng SMNI ang prangkisang ibinigay sa kanila ng Kongreso para magpakalat ng katotohanan at hindi kasinungalingan.

Noong November 8, 2023, naghain ng resolusyon ang Makabayan bloc sa Kamara para atasan ang National Telecommunications Commission (NTC) dahil sa posibleng paglabag ng SMNI sa Code of Ethics.

Ito ay matapos payagan ng SMNI na pag-aari ni Apollo Quiboloy si dating Pangulong Rodrigo Duterte nang bantaan nito ang buhay ni House deputy minority leader France Castro dahil sa pagkuwestiyon nito sa confidential fund ng kanyang anak na si Vice President Sara Duterte.

“SMNI also violates numerous provisions of the 2007 Broadcaster Code of the Philippines, which is the code of professional and ethical standard for the members of the Kapisanan ng Broadcaster ng Pilipinas. In particular, SMNI violated its duties as regard the credibility sources and report, prohibition of personal attacks, correcting mistakes, and others,” bahagi ng House Resolution (HR) 1428 ng Makabayan bloc.

(BERNARD TAGUINOD)

78

Related posts

Leave a Comment