PURO DRAWING PA LANG ANG INVESTMENTS

DPA ni BERNARD TAGUINOD

NAWALA na ako sa pagbibilang kung magkano na ang ipinangakong investment ng mga negosyante sa mga bansang binisita ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., dahil sa rami ng biyaheng ginawa niya.

Pero noong Pebrero 2023, nalaman ko mula kay Pareng Google na sinabi ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Alfredo Pascual na umaabot sa P3.48 trillion ang naiuwing investment pledge ni Marcos sa kanyang mga biyahe na sinimulan niya noong September 4, 2023 o wala pang dalawang buwan mula nang manumpa ito bilang Pangulo ng mahal kong Bayan.

Nakalulula dahil mahigit P2 trillion na lang ang kulang ay katumbas na ‘yan ng pambansang budget sa 2024 at natural, nadagdagan pa ‘yan dahil marami pang biyahe ang ginawa si Marcos pagkatapos ng kanyang mga biyahe sa Indonesia, Singapore, United States, Thailand, Belgium, China at Japan na pinanggalingan ng P3.48 million investment pledge.

Sa katunayan, nitong huling biyahe ni BBM sa Amerika kung saan siya dumalo sa Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) summit ay muli siyang pinangakuan ng mga negosyante sa Amerika ng $3.9 billion.

Karagdagan ‘yan sa $3.847 billion na investment pledge noong unang pumunta siya sa Amerika noong September 18, 2022, kung saan 6 na araw siya roon pagkatapos ng biyahe sa Indonesia at Singapore.

Pero ang ganitong mga investment ay drawing pa lamang, ika nga, pero ipinagmamalaki agad ng gobyerno na animo’y sinasabi sa atin na nandito na ang puhunang ipinangako ng mga investor kay BBM sa mga bansang pinuntahan nito.

‘Yung mga pledge lagi ang ipinagmamalaki nila pero hindi nila sinasabi sa atin kung magkano na ba sa mga investment na ito ang naisakatuparan na. Ilang negosyo na ba ang dinala ng mga bolerong investors sa Pinas?

Alam natin na marami sa investors ang bolero at hindi lang ang mga lider ng Pilipinas ang binobola nila kapag nagharap-harap sila sa piging na inisponsor ng lider ng isang bansa para sa kanila.

Pero lumalabas na nagpapabola ang mga lider natin sa kanila at pag-uwi naman nila ay ipagmamalaki nila sa atin na nakapag-uwi sila ng investment pero hangga’t hindi tinutupad ang mga iyan, hanggang drawing lang ‘yan.

Hindi naman basta-basta magpapakawala ang mga iyan ng puhunan at karaniwan may inilalatag silang mga kondisyones na dapat munang gawin ng gobyerno bago sila maglagak ng puhunan para proteksyunan ang kanilang pera at iyan ang hindi sinasabi sa atin ng gobyerno.

Saka parang mga pulitiko lang ‘yan na mahilig mangako kapag panahon ng halalan at kapag nahalal na ay nakalilimutan na ang kanilang mga pangako kaya ang biruan ng mga Pinoy: “Pinangakuan ka na nga, gusto mo pang tuparin nila?”

Wala rin namang parusa sa mga bolerong investors kapag hindi nila tinupad ang kanilang investment pledge tulad ng mga pulitiko na laging nangangako ng magandang buhay pero hindi naman tinutupad.

116

Related posts

Leave a Comment