PEKE ang protocol plate nunber 7 na nakakabit sa nag-viral na SUV makaraang pumasok sa Edsa bus lane, nitong Linggo.
Ito, ayon kay Senate President Chiz Escudero ang kinumpirma ng Land Transportation Office sa kanya.
Una na ring nagpahayag ng pagdududa si Escudero sa pagiging lehitimo ng protocol plate dahil mayroon itong iba pang markings tulad ng taon o petsa.
Ang iniisyu anyang protocol plate sa mga senador ay walang ibang markings.
Iginiit naman ni Escudero na hindi dapat magtapos dito ang isyu dahil kailangang matukoy ng LTO kung sino ang may-ari ng sasakyan at mapanagot ito sa ginawang paglabag sa batas.
Ang number “7” protocol plates ay eksklusibo para sa mga senador kasabay ng pagdiriin na wala itong kaakibat na pribilehiyo tulad ng pagpasok at pagdaan sa lanes na exclusive para sa mga pampasaherong bus.
Pinasalamatan ni Escudero ang LTO sa mabilis na pag-aksyon.
Pero hindi anya dapat hayaan na hindi mapanagot ang may-ari ng naturang SUV dahil hindi lang ito sangkot sa paglabag sa maraming batas at traffic rules kundi nakaapekto ito sa sanctity ng Senado bilang institusyon.
Pinaalalahanan ni Escudero ang mga kapwa mambabatas na kinatawan sila ng taumbayan at ang kanilang aksyon gaano man kalaki o kaliit ay laging sumasalamin sa institusyon na kanilang pinagsisilbihan. (DANG SAMSON-GARCIA)
47