HINDI bumenta sa Makabayan bloc ang depensa ng Department of Education (DepEd) na hindi profiling sa mga miyembro ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang kanilang memorandum na nag-aatas sa mga regional at schools division superintendent na isumite ang pangalan ng mga guro na miyembro ng nasabing organisasyon.
Sa halip, humiling si ACT party-list Rep. France Castro sa liderato ng Kamara na suportahan ang kanilang resolusyon na imbestigahan ang motibo ng Regional Memorandum No. 0530, s. 2023 na inisyu ni Assistant Regional Director Pedro Escobarte at inayunan ni Regional Director Maria Ines Asuncion ng DepEd Region VII.
“We urge our fellow lawmakers to support House Resolution 1095 and send a strong message to DepEd that we will not tolerate any violation of our citizens’ basic rights and freedoms,” ayon sa resolusyon ng Makabayan bloc.
Ayon sa mambabatas, paglabag sa 1987 Constitution at Republic Act 10173 o Data Privacy Act ang nasabing memorandum kaya dapat manindigan ang Kamara para protektahan ang public school teachers.
Sinabi ni Castro na sa ganitong gawain ng DepEd na pinamumunuan ni Vice President at National Task Force-End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) co-chairperson Sara Duterte, malalagay sa panganib ang seguridad ng mga public school teacher. (BERNARD TAGUINOD)
253