(NI NOEL ABUEL)
PINAWI ni Senador Christopher Lawrence ‘Bong’ Go ang pangamba ng publiko hinggil sa tunay na kalagayan ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos sumemplang sa minamaneho nitong motorsiklo.
Ayon kay Go, na dating Special Assistant to the President at malapit kay Duterte, nasa maayos na kondisyon ang Pangulo at kasalukuyang nagpapahinga lamang sa Bahay ng Pagbabago sa Malacañang.
“Siyempre worried po kami kaya lang sabi niya, ‘Okay lang ako. Do not worry, I’m okay’,” sabi pa ni Go.
Personal aniyang nasaksihan nito ang pagbagsak ng Pangulo sa minamaneho nitong 650 cc dirt bike nang lumiko ito at nawalan ng kontrol hanggang sa bumagsak una ang kaliwang siko nito sa loob ng PSG compound, Miyerkoles ng gabi.
“Rider naman po si Pangulong Duterte so sanay po ‘yan pero at his age dapat alalay na po. Kaya lang umiiral ‘yung hilig niya sa motor kaya di maiwasan,” paliwanag pa ni Go.
Gayunman, sinabi nito na medyo masakit ang balakang ng Pangulo.
Unang nilinaw ni PSG chief Jose Niembra na hindi nahulog sa motorsiklo ang Pangulo.
Ito ay matapos mag-isyu ng statement si Presidential Spokesperson Salvador Panelo na nahulog sa motorsiklo ang Pangulo,
Nasangkot umano sa dalawang aksidente si Duterte – kapwa minor lamang – Miyerkoles ng gabi.
Ang una umano ay sa 3-wheeled motorbike na nakasagasa ng bato habang ipinaparada ang motorsiklo sa PSG compound garage.
Nawalan lamang umano ng balanse ang Pangulo ngunit hindi nahulog sa motorsiklo.
137