SABOTAHE NG CHINA PINASISILIP SA NAIA POWER OUTAGES

(BERNARD TAGUINOD)

PINASISILIP ng isang mambabatas sa Kamara ang posibilidad na may papel ang China sa dalawang power outages sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil hawak ng Chinese company ang 40% sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).

Sa pagdinig ng House committee on transportation kahapon, iminungkahi ni Laguna Rep. Dan Fernandez na bumuo ng sub-committee na mag-iimbestiga sa posilibidad na ito at rebyuhin ang concession agreement sa NGCP para sa seguridad ng bansa.

Noong Enero 15, 2009, panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, itinatag ang NGCP sa pamamagitan ng Republic Act (RA) 9511.

Isa itong private owned corporation kung saan 40% ay pag-aari ng State Grid of China. Tumatayong chairman ng NGCP si Zhu Guangchao na siyang general manager ng nasabing kumpanya sa China at electric company sa Hongkong.

“The concession agreement must be reviewed by this Congress,” ani Fernandez dahil mistulang may pattern aniya ang dalawang power outages na nangyari noong Enero 1 at May 1, 2023.

Ipinaliwanag ni Fernandez na nangyari ang power outage noong Enero, isang buwan pagkatapos ng state visit ni United States (US) Vice President Kamala Harris sa Pilipinas noong November 21 kung saan nadagdagan ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sa bansa.

Nangyari rin aniya ang May 1 outage sa NAIA, isang buwan pagkatapos dumaong ang pinakamalaking barkong pandigma ng Amerika sa Pilipinas noong Marso 20, 2023.

“Parang may pattern eh,” ani Fernandez kaya dapat aniyang imbestigahan ito lalo na’t ang kumokontrol sa NGCP ay mga Chinese tulad ni M. Liu Xinhuan, chairman of the board ng Audit Committee.

Mga teknolohiya rin ng China ang ginagamit sa NGCP na siyang nagsusuplay ng kuryente sa Manila Electric Company (Meralco) na siyang nagpapadaloy sa NAIA.

Sa impormasyon ni Fernandez, nagkaroon ng outage dahil biglang lumaki ang supply ng kuryente sa NAIA na higit sa kapasidad ng kanilang sistema. (BERNARD TAGUINOD)

94

Related posts

Leave a Comment