Sahod sa Pinas pang-alipin CHI-CHA HINDI CHA-CHA SIGAW NG MANGGAGAWA

(BERNARD TAGUINOD)

CHI-CHA o tsibog ang hinihingi ng mga manggagawa ngayong Labor Day at hindi Cha-cha o Charter change na itinutulak sa Kamara.

Para sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), gutom ang inaabot ng mga manggagawa sa bansa dahil pang-alipin ang sahod ng mga ito lalo na sa sektor ng agrikultura.

Kasabay nito, kinastigo ni KMP chairman Danilo Ramos ang Department of Labor and Employment (DOLE) dahil sa pahayag ni Sec. Bienvenido Laguesma na walang iaanunsyong pagtaas ng sahod ngayong Labor Day.

Ayon kay Ramos, umaabot lamang sa P335 ang ipinasasahod sa agricultural workers na lalaki habang P304 sa kababaihan at wala pa aniyang benepisyo ang mga ito.

“Napakalayo ng sahod ng mga manggagawa sa agrikultura kumpara sa patuloy na tumataas na cost of living. Sabi nga, sahod alipin ang tinatanggap ng mga manggagawa sa agrikultura at wala rin sila halos nakukuhang mga benepisyo at proteksyon sa paggawa,” ani Ramos.

Dahil dito, muling iginiit ng grupo na magkaroon ng across the board legislative wage increase dahil kung iaasa aniya ang kapalaran ng mga manggagawa sa mga regional wage board ay mamamatay lang sa gutom ang mga obrero.

Sinabi naman ni Partido ng Manggagawa chairman Renato Magtubo na “Chi-cha hindi Cha-cha” ang sigaw ng mga manggagawa na magsasagawa ng kilos protesta ngayong araw para igiit pa rin sa gobyerno ang dagdag na sahod at ayuda sa kabila ng pahayag ng DOLE na walang iaanunsyong dagdag na sahod.

“We will endure the heat of marching under the sun because the burning issue of low wages and high prices is a priority concern. Chi-cha not Cha-cha,” ani Magtubo kahapon.

Umapela rin ang Nagkaisa Labor Coalition (NLC) na paalalahanan ni US President Joe Biden si Pangulong Bongbong Marcos na igalang ang karapatan ng Pinoy workers.

Si Marcos ay umalis kahapon para sa kanyang state visit sa Amerika upang makaharap si Biden.

“Nagkaisa Labor Coalition sent appeals instead to its trade union allies in the US to encourage Biden to remind Marcos of the need to restore the free exercise of labor rights in the Philippines amid widespread violations during the Duterte administration as confirmed by the recent ILO High Level Tripartite Mission in its report,” ayon sa NLC.

Bukod sa National Capital Region (NCR) ay magkakaroon din ng malawakang kilos protesta sa Cebu, Bacolod, Davao, Iligan, General Santos, Cotabato, Tagum at mga lugar sa Luzon.

Samantala, pinamamadali ni Senador Joel Villanueva sa mga kaukulang ahensya ng gobyerno at maging sa Kongreso ang pag-aaral sa mga panukalang pagbibigay ng dagdag na sahod sa mga manggagawa sa gitna ng patuloy na pagbangon mula sa epekto ng COVID-19 pandemic.

Sinabi ni Villanueva na nararapat na tumbasan ng mabilis na aksyon at pagkilala ang paghihirap ng mga manggagawa na pagkasyahin ang sahod sa pang-araw-araw na pangangailangan ng kanilang pamilya.

Bukod sa konsiderasyon sa dagdag na sweldo, iginiit ni Villanueva ang pagbibigay ng sapat na tulong sa maliliit na mamumuhunan at pagpapababa ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo.

Isinusulong ng senador ang pagkakaroon ng sweldong angkop sa pamumuhay o living wage kasabay ng paghikayat sa Department of Labor and Employment at National Economic and

Development Authority na pag-aralan ang tamang pamantayan upang matukoy ang sapat na living wage para sa mga manggagawa.

Binigyang-diin din ng mambabatas ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mas marami pang disenteng trabaho at matigil na ang kalakaran ng ENDO, sa pribado man o sa gobyerno.

Tulong, proteksyon
tiniyak ni Marcos Jr.

Kaugnay nito, bago tumulak patungong Amerika ay nangako si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ipagpapatuloy nito na iprayoridad ang kapakanan ng Filipino workers sa pamamagitan ng pagbibigay ng mahalagang oportunidad para makamit ang kanilang minimithi sa buhay.

“Asahan po ninyo na hindi kailanman magpapabaya ang inyong pamahalaan sa larangan ng paggawa at empleyo, lalo na sa ilalim ng aking pamamalakad. Bilang Pangulo, ipinapangako ko na ang proteksyon para sa mga manggagawang Pilipino ay mananatiling pangunahing prayoridad ng aking Administrasyon,” ayon kay Pangulong Marcos sa isinagawang 121st Labor Day celebration sa SMX Convention Center sa Pasay City.

Sa katunayan, inatasan na ni Pangulong Marcos ang lahat ng mga kaugnay na ahensya, lalong-lalo na ang DOLE, na manatiling nakatuon sa paghahatid ng maiinam na programang panghanapbuhay at sa paglinang sa kaalaman at kasanayan ng mga manggagawa.

Sa nasabing event, binisita ng Pangulo ang mga stalls ng 65 businesses at 130 sellers na nagpartisipa sa Kadiwa ng Pangulo para sa mga Manggagawa.

Protesta ng obrero

Magsasama-sama ngayong araw ang iba’t ibang labor groups tulad ng Kilusang Mayo Uno, Trade Union Congress of the Philippines, Nagkaisa Labor Coalition, Bukluran ng Manggagawang Pilipino at iba pa para salubungin ng kilos-protesta ang Labor Day.

Patuloy na ipapanawagan ng mga ito ang mas mataas na sahod sa kabila na rin ng mataas na presyo ng mga bilihin at ang pagresolba sa security of tenure, ayon kay Kilusang Mayo Uno Secretary General Jerome Adonis, sa isang panayam sa radyo.

Kabilang sa kanilang isinusulong ang karapatan ng mga manggagawang Pilipino na matamasa ang living wage na 1,100 pesos kada araw o ang 750 pesos na across-the-board wage increase sa buong bansa.

Bilang pagkonsidera sa maliliit na negosyo, inirekomenda rin ni Adonis na akuin ng gobyerno ang gastusin ng mga ito sa dagdag sahod.

Kukunin naman ito sa pamamagitan ng pag-realign ng ilang bahagi ng pambansang pondo tulad na lamang sa confidential fund nina Pangulong Bongbong Marcos at Vice President Sara Duterte-Carpio.

Samantala, nakalatag na ang aktibidad ng National Capital Region Police Office (NCRPO) upang matiyak ang seguridad ng publiko.

Ayon kay PLt. Col. Luisito Andaya Jr., Spokesperson ng NCRPO, aabot sa 3500 pulis ang kanilang ipakakalat sa Metro Manila bukod pa sa force multiplier kabilang na ang Bureau of Fire Protection (BFP), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), at iba pa.

Kabilang sa babantayan ang mga lugar na posibleng pagdausan ng kilos protesta tulad sa Welcome Rotonda sa Quezon City at Mendiola sa Maynila.
(May dagdag na ulat sina DANG SAMSON-GARCIA/CHRISTIAN DALE/JESSE KABEL RUIZ)

195

Related posts

Leave a Comment