(NI BERNARD TAGUINOD)
KINALAMPAG ng isang kongresista ang Korte Suprema para desisyunan na ang petisyon na nagpapabasura sa Tax Reform Acceleration and Inclusion (TRAIN) law sa gitna ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo dahil sa pag-atake sa Saudi oil field noong nakaraang linggo.
Ayon kay Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate, mahalagang madesisyunan na ang nasabing petisyon laban sa nasabing batas dahil ito ang panlaban aniya sa malakihang pagtaas ng presyo ng langis dahil sa pag-atake sa Saudi.
“We are calling on the Supreme Court to decide on our petition to junk the TRAIN law so as to shield consumers from another wave of price shocks,” ani Zarate dahil sa Martes, Setyembre 24, ay magpapatulad ng big time price increase ang mga kumpanya ng langis.
Nabatid na aabot sa P2.35 ang itataas na presyo ng kada litro ng gasoline sa susunod na linggo; P1.75 naman sa kerosene at P1.80 sa diesel matapos tumaas ang presyo nito sa world market dahil sa pag-atake sa Saudi.
Ayon sa mambabatas, kung mawawala ang TRAIN, bababa pa ang presyo ng mga produktong petrolyo kaya dapat aniyang ibasura ang nasabing batas na unang ipinatupad noong Enero 1, 2018.
Lumalabas na mula maipatupad ang TRAIN law, tumaas ng P4.50 ang kada litro ng diesel noong 2019 at aabutin ito ng P6 kada litro sa susunod na taong 2020.
Umaabot naman aniya sa P7 ang itinaas ng presyo ng gasolina noong 2018 dahil sa nasabing batas; P9 ngayong 2019 at sa susunod na taon ay P10 na ang itataas nito kapag hindi naibasura ang nasabing batas.
Sinabi ni Zarate na tanging ang SC na lamang ang pag-asa para maibasura ang nasabing batas na nagpahirap aniya sa mga Filipino mula noong 2018 dahil hindi lang mga produktong petrolyo ang tumaas ang presyo kundi ang mga pangunahing bilihin lalo na ang pagkain.
144