SCAMMERS WALANG LUSOT SA eSIM REGISTRATION

WALANG kawala ang mga kawatan na gumagamit ng eSIM o embedded subscriber identity module, isang digital SIM, na direktang nakalagay sa smartphones, tablets o laptops upang makakonekta sa mga operator o network provider.

Isusulong kasi ni Senador Win Gatchalian na isama sa panukalang SIM Card Registration Act ang pagpaparehistro ng eSIM upang mapigilan ang hacking ng cyber criminals sa bank accounts gamit ang mga pinakabagong gadgets.

“Kailangan nating makipagsabayan sa mga pinakabagong teknolohiya at ang isang nauuso sa ngayon ay ang eSIM na gumagana kagaya ng tradisyunal o aktuwal na SIM card,” ani Gatchalian, isa sa may-akda ng Senate Bill No. 2395.

“Mabilis mag-upgrade ang mga mobile devices at habang nagiging mas moderno ang mga ganitong instrumento ng mga scammers, nagiging mas malikhain din sila sa pagsasagawa ng mga modus nila. Kaya dapat isaalang-alang nating maisama ito sa panukalang batas na pagpaparehistro ng SIM cards,” dagdag pa ng senador.

Hindi pa sakop ng pinapanukalang SIM Card Registration ang eSIM. Ang nasabing panukala ay nag-aatas na iparehistro ang mga tradisyunal na SIM card o ang chip na inilalagay sa loob ng mobile phones.

Sa ilalim ng panukalang batas, inoobliga ang telecommunications companies na irehistro ang mga bibili ng mga SIM card. Ang ganitong hakbang ay upang maiwasan o masawata ang mga krimeng may kinalaman sa terorismo, text scam, unsolicited o obscene text messages, bank fraud o malawakang disinformation upang makapag dulot lamang ng kalituhan o kaguluhan sa publiko, paliwanag ni Gatchalian.

Sa nasabing panukala, ang mga nagmamay-ari na ng SIM card at may active services ay kinakailangan din magparehistro sa Public Telecommunications Entities (PTEs) na kanilang network provider sa loob ng isang taon matapos maisabatas ito at ang kabiguang maisagawa ito ay magdudulot ng awtomatikong pag-deactivate o pagretiro ng SIM card number.

Umaasa ang senador na maipapasa na ng Senado ang nasabing panukalang batas sa ikatlong pagbasa sa susunod na taon at magkasundo ang dalawang kapulungan ng Kongreso sa magiging pinal na bersyon upang maaprubahan ito bago matapos ang kasalukuyang 18th Congress nang sa gayon ay maging isa nang ganap na batas sa taong 2022. (ESTONG REYES)

5

Related posts

Leave a Comment