SENADO IPINAGLULUKSA PAGPANAW NI EX-SEN. SAGUISAG

NAGPAABOT ng pakikiramay ang ilang senador sa pamilya ng yumaong si dating Senador Rene Saguisag na inilarawan nilang man of true honor, dignity and integrity.

Sinabi ni Senate President Juan Miguel Migz Zubiri na bagama’t isang termino lamang nagsilbi si Saguisag sa Senado ay nailaan nito ang buong buhay niya sa pagsusulong ng hustisya at pagkakapantay-pantay sa bawat Pilipino lalo sa inisyatiba sa itinayong Free Legal Assistance Group.

Kabilang anya sa isinulong na batas ni Saguisag ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees (R.A. 6713) at Ombudsman Act of 1989 (R.A. 6770).

Sa panig ni Senate President Pro Tempore Loren Legarda, sinabi nito na nagsilbi si Saguisag bilang boses ng mga voiceless at buong tapang na tumatayo at nagtatanggol sa mga taong takot kahit ang buhay niya ang nalalagay sa panganib.

Hinahangaan din ni Legarda ang patuloy na pagtataguyod ni Saguisag sa human rights hanggang sa huling yugto ng kanyang buhay.

Inilarawan naman ni Senador Chiz Escudero si Saguisag bilang patriot, nationalist at honest public servant.

Ipinagpapasalamat naman ni Senador Grace Poe ang pagsama ni Saguisag sa kanyang citizenship battle gamit ang kanyang talino at kaalaman.

Para kay Senador Robin Padilla, si Saguisag ay naging malapit niyang kaibigan, at itinuturing na mentor nang tumayo itong kanyang abogado.

Sa ngayon ay naka-half mast ang Senado bilang pagdadalamhati sa pagpanaw ng dating senador habang patuloy pa ang pakikipag-ugnayan sa pamilya ni Saguisag para sa necrological service.

(DANG SAMSON-GARCIA)

39

Related posts

Leave a Comment