SENATE PROBE SA DU30 DRUG WAR HINDI ‘UNLI’

(DANG SAMSON-GARCIA)

HINDI magiging unlimited o walang katapusan ang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa war on drugs ng dating administrasyon.

Ito ang binigyang-diin ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na siyang mangunguna sa pagdinig sa pagsasabing limitado mula alas-10 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon ang kanilang hearing sa Lunes.

Kung kulangin pa sa oras ay hanggang alas-4 ng hapon ang kanilang maximum na hangganan ng pagdinig dahil marami pa rin silang ibang bagay na dapat pagtuunan ng pansin.

Target din anya nilang abutin lamang ng tatlo hanggang apat na hearings ang isagawa at saka babalangkas na ng committee report.

Ipinaliwanag ni Pimentel na sa unang pagdinig sa Lunes, unang bahagi ay itutuuon sa mga alegasyon ni dating PCSO General Manager Royina Garma kaugnay sa reward system na ipinatupad kasabay ng war on drugs ng Duterte administration.

Kapag pinanindigan anya ni Garma ang kanyang mga naunang testimonya ay aalamin nila kay dating Police Colonel Edilberto Leonardo ang pag-amin nito sa mga alegasyon at saka pasasagutin sina dating Pangulong Rodrigo Duterte, Senador Ronald Bato dela Rosa at Senador Bong Go.

Sunod naman nilang tutumbukin ay ang mga alegasyon ni Kerwin Espinosa kaya’t pahaharapin din sina dating Senador Leila de Lima at dating Police Col. Jovie Espenido.

Kinumpirma pa ng senador na maglalaan sila ng isang pagdinig para naman alamin kung may mga reklamo sa ipinatutupad ngayong operasyon laban sa ilegal na droga at ikukumpara sa nakalipas na administrasyon.

48

Related posts

Leave a Comment