SINUSPINDENG NFA OFFICIALS SIBAKIN NA

HINDI na dapat pabalikin ang 139 opisyales at empleyado ng National Food Authority (NFA) na sinuspinde ng Office of the Ombudsman dahil sa pagbebenta ng NFA rice sa dalawang rice traders sa murang halaga.

Ayon kay Agri party-list Rep. Wilbert Lee, kailangang linisin sa mga tiwali ang nasabing ahensya upang maibalik ang tiwala ng taumbayan.

“Malaking kasalanan ang paglustay sa supply ng bigas, lalo pa napakamahal ng presyo ng pagkain at mga pangunahing bilihin ngayon. In order to restore the trust of the public in the NFA, there needs to be a revamp and the first step to that is to remove all officials involved in anomalies,” ani Lee.

Kabilang sa sinuspinde si NFA administrator Roderico Bioco matapos ireklamo sa Office of the Ombudsman dahil sa pagbebenta sa may 75,000 bag ng bigas sa pribadong negosyante sa halagang P25 kada kilo na ibinenta naman sa publiko sa halagang P52.

Sa panahon na hirap ang mga magsasaka dahil sa epekto sa El Niño, kailangan aniyang walang bahid ng korupsyon at dapat maayos ang pamamahala sa buffer stock ng bigas upang mabawasan ang pag-aangkat nito.

Ngayon Huwebes ay sisimulan na ng House committee on agriculture and food ang imbestigasyon sa nasabing eskandalo.

Ayon kay Quezon Rep. Mark Enverga, chairman ng nasabing komite, ipatatawag ang grupo ni Bioco para pagpaliwanagin kung bakit nagbenta ang mga ito ng bigas na walang bidding at sa murang halaga gayung mataas ang presyo nito ngayon sa merkado.

Sinabi ng mambabatas na layon ng imbestigasyon na makita ang pananagutan ng mga sangkot sa nasabing eskandalo at magamit ang makakalap na resulta sa pag-amyenda sa Rice Liberalization Law.

Sa ilalim ng nasabing batas, inalisan ng kapangyarihan ang NFA na magbenta ng bigas sa local traders bagkus ang trabahong ibinigay lang sa mga ito ay mag-stock ng supply para may magamit sa panahon ng kalamidad.

(BERNARD TAGUINOD)

42

Related posts

Leave a Comment