KOOPERASYON ng lahat ng mamamayan ang kailangan upang labanan ang Novel Coronarivus na patuloy na lumalaganap sa iba’t ibang panig ng mundo kasama na ang United States (US) at Russia.
Ito ang mariing panawagan sa taumbayan ni dating Health Secretary at ngayo’y Iloilo Rep. Janette Garin na naninindigan na sa pamamagitan lamang ng kooperasyon ay mapipigilan ang paglaganap ng nasabing mikrobyo.
“Puwedeng maapektuhan ang mga Filipino. Maski ano ang dugo mo, lasa mo, posibleng kang maapektuhan nito because viruses do not recognize nationality. Kaya we need cooperation,” ayon kay Garin.
Iginiit ng mambabatas na kailangang pumunta agad sa hospital ang mga taong nakakaranas ng sintomas ng novel coronavirus tulad ng lagnat lalo na kung galing ang mga ito sa ibang bansa partikular sa China upang magamot agad at hindi na makapanghawa pa sakaling positibo ang mga ito sa nasabing sakit.
Unang lumaganap ang novel coronavirus sa Wuhan, China noong nakaraang taon at nagkaroon na rin umano ng ganitong kaso sa Singapore, Hong Kong, Beijing, Shanghai, South Korea, Taiwan, Japan at ngayon US at Russia.
Nagkaroon na rin ng isang kaso sa Pilipinas partikular na sa Cebu nang magpositibo sa nasabing virus ang isang 5-taong gulang na Chinese mula sa Wuhan, China.
Sinabi naman ni Bayan Muna party-list Rep. Ferdinand Gaite na dapat magkaroon ng episyenteng screening at monitoring ang Department of Health (DOH) upang hindi magkaroon ng pagpapanic.
“We should ensure adequate preparations- supplies, medicines, facilities, adequate personnel and budget like when we dealt with SARS so as to restrict its entry in the country and contain it, if it does.,” ani Gaite.
Idinagdag pa nito na kailangang maging pro-active ang mga nasa frontline ng DOH tulad ng Bureau of Quarantine kasama na ang tulad ng airport at seaport authorities, immigration officers upang hindi na lumaganap ang nasabing virus sa bansa. (Bernard Taguinod)
118