SOLON: KORAPSYON DAHILAN NG PAG-IWAS NG INVESTORS

PARA sa isang kongresista mula sa gawing katimugan, talamak na katiwalian ang nagtutulak palayo sa foreign investors na magnegosyo sa Pilipinas.

Ayon kay Basilan Rep. Mujiv Hataman, walang dahilan para repasuhin o amyendahan ang 1987 Constitution.

Kung meron man aniyang dapat pagtuunan ng atensyon ang administrasyon, ‘yun ay ang laganap na korapsyon sa mga tanggapan ng pamahalaan.

Partikular ni tinukoy ni Hataman ang red tape o ang pahirap na prosesong inaayawan ng mga dayuhang negosyante sa Pilipinas.

Dapat rin aniyang tiyakin muna ang kaayusan at kapayapaan bago pa man mangalap ng mga dayuhang kapitalista.

Kabilang si Hataman sa tumutol sa Resolution of Both House 6.

“Isa itong malaking factor kung bakit hindi tayo maka-engganyo ng investments sa bansa. Bakit tayo naka-focus lamang sa economic provisions? Kung may problema tayo sa peace and order at sa instability ng seguridad, paano naman tayo manghihikayat ng foreign investments?,” ani Hataman.

Araw ng Lunes nang ganap na pagtibayin ng Kamara ang RBH 6 sa botong 301 pabor at anim na kumontra sa pagpapatawag ng Constitutional Convention para amyendahan ang Saligang Batas.

Ayon naman kay ACT partylist Rep. France Castro, panlilinlang sa mga tao ang RBH 6 dahil pinapalabas na economic provisions lang ang aamyendahan sa Konstitusyon.

Paniwala ni Castro, higit pa sa economic provisions ang target baguhin sa 1987 Constitution.

“Huwag nating linlangin ang taumbayan na ConCon para sa econ lamang ito sa layuning amuin o pakalmahin ang oposisyon ng publiko sa ChaCha,” paliwanag ni Castro sa kanyang no vote.

Tumutol din sa RBH 6 sina Albay Rep. Edcel Lagman, Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas, Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel at Camarines Sur Rep. Gabriel Bordado. (BERNARD TAGUINOD)

224

Related posts

Leave a Comment