SOLON: MGA ARTISTA SA DRUG WATCH KASUHAN, PANGALANAN

drug watchlist12

(NI BERNARD TAGUINOD)

SUPORTADO sa Mababang Kapulungan ng Kongreso sa panawagan ng publiko na pangalanan na ang mga artistang gumagamit at nagtutulak ng ilegal na droga lalo na’t iniidolo ang mga ito ng mga kabataan.

Ayon kay House committee on dangerous drug chair Robert Ace Barbers ng Surigao del Norte, sinabi nito na karapatan ng publiko na malaman kung sinu-sino ang mga artista na ito na naliligaw ng landas.

“Dapat ilabas din ang mga pangalan nila kasi mga iniidolo sila ng mga kabataan,” ani Barbers matapos kumpirmahin ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) director general Aaron Aquino na mayroong 31 artista ang nasa kanilang drug watch list.

Sa nasabing bilang, 11 umano dito ay mga babae na kinabibilangan ng tatlong matatandang actress habang ang iba naman ay nasa edad 20 hanggang 30 anyos at karamihan sa kanila ay aktibo pa sa showbiz.

Dalawa umano sa mga artistang ito ay nagbebenta umano ng shabu at ecstasy habang gumagamit o user naman ang iba pa.

Subalit ayon kay Barbers, bago ilantad sa publiko ang pangalan ng mga artistang ito ay dapat mayroon na aniyang mga kaso upang hindi mapahamak ang mga otoridad.

“As long as validated at may mga kaso, pangalanan na sila,” ani Barbers dahil kung base lamang sa intelligence report at wala pang naisasampang kaso sa mga ito ay posibleng makalusot ang mga ito.

288

Related posts

Leave a Comment