P20-M ‘ALLOWANCE’ IPINASOSOLI NG COA SA PHILHEALTH OFFICIALS

philhealth

(NI ABBY MENDOZA)

SA katwirang dapat may go signal muna ng Office of the President ang anumang dagdag benepisyo, iniutos, Huwebes ng hapon, ng Commission on Audit (COA) na ibalik sa gobyerno ng 5 opisyal ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth)-Region 4-A ang P20M sobra sobrang allowances na ibinigay sa kanila noong 2012.

Batay sa desisyon ng COA, ang dagdag allowances na ibinigay sa mga kawani at opisyal ay kinabibilangan ng birthday gift, medical mission at critical allowance, shuttle service allowance, transportation allowance, contractor’s gift at rice allowance.

Lahat ng mga kawani at opisyal ng Philhealth Region 4A ay nakatanggap ng kaparehas na benepisyo subalit nilinaw ng COA na ang mga opisyal lamang na sina Dr. Alberto Manduriao, Feliciana Pastorpide, Miguel Macalinao, Benjie Cuvinar at  Erlinda Pronto ang syang magbabalik ng P20 milyon dahil hindi inoobliga ang mga kawani na ibalik ang ibinigay sa kanila subalit ang mga opisyal na syang nag apruba ng dagdag na benepisyo ang syang mananagot at dapat na magbalik ng pera.

Una nang idinepensa ni PhilHealth Region 4-A officer-in-charge Dr. Edwin Orina na bahagi ng kanilang fiscal autonomy sa ilalim ng PhilHealth Charter ang pagbibigay ng dagdag na allowances kung saan nakasaad na maaari nilang ayusin ang sweldo ng kanilang mga kawani.

Subalit  kinontra naman ito ng COA, giit nito ang kapangyarihan ng Philhealth na magdagdag ng karagdagan pang benepisyo ay hindi absolute, bago pa umano makapagbigay ng ganitong dagdag allowance ang Philhealth ay dapat mayroon munang pag apruba mula sa Office of the President.

Ang pera umano ng Philhealth ay pera ng taumbayan kaya nararapat lamang na nasa tama at makatwiran ang paggasta nito na naayon sa itinakda ng batas at hindi sa pansariling kagustuhan lamang.

 

 

 

71

Related posts

Leave a Comment