(NINA DANG SAMSON-GARCIA/NOEL ABUEL)
NAALARMA si Senador Win Gatchalian sa paglipana ng magic mushrooms na ginagawang alternatibo bilang iligal na droga.
Ito ay makaraang mapaulat na may mga mag-aaral na isinugod sa ospital dahil sa paggamit ng kabute na madali umanong makita sa mga kanayunan.
Sinabi ni Gatchalian na kailangang palakasin ng Department of Education (DepEd) ang drug prevention program at mahigpit na pagsubaybay upang hindi malulong ang mga kabataan sa mga ipinagbabawal na gamot.
Una nang sinabi ni DepEd Secretary Leonor Briones na maaaring mas mapanganib pa ang magic mushrooms dahil hindi ito deklaradong iligal sa merkado kaya kahit na sino ay pwedeng bumili o makakuha nito.
“Nakababahala itong ibinahagi ng DepEd sa pagkakasakit ng mga bata dahil sa magic mushrooms. Pero marami rin tayong dapat malaman — gaano na karami ang naiulat na ganitong uri ng insidente? Paano natuklasan ito ng mga mag-aaral? Saan ito laganap? At anu-ano ang naging mga epekto nito sa ating mag-aaral?” giit ni Gatchalian.
“Kung alam natin ang mga detalyeng ito, mas madali para sa ating mag-isip at magpatupad ng mga solusyon para masiguro ang kaligtasan ng kabataan,” dagdag ng senador.
Ang mga kabuteng ito ay may taglay na psilocybin na kabilang sa Schedule I ng United Nations Convention on Psychotropic Substances noong 1971.
Nangangahulugang hindi ito ginagamit na pang gamot at may mataas na posibilidad na maabuso ng gumagamit at kabilang sa mga epekto ng psilocybin ang panghihina, pagiging maantukin at hindi kontroladong paggalaw bukod sa panganib tulad ng pagkalason.
Sa kabila ng mga panganib na ito, may mga pag-aaral na nagsasabing ang mga magic mushrooms ay maaaring gawing lunas sa pagkabalisa o anxiety at depresyon.
Ayon sa Global Drug Survey 2019 na nakakuha ng datos mula sa 120,000 katao sa 30 bansa, wala pang isang porsyento ng mga lumahok ang humingi ng tulong medikal matapos gumamit ng magic mushrooms.
“Ang mahalaga sa puntong ito ay ma-protektahan natin ang kabataan mula sa panganib na maaaring idulot ng mga magic mushrooms na ito. Ngayong sinusuri ng DepEd ang kanilang preventive education program, mahalagang masuri kung paano ba ito tatalakayin sa mas mabisang paraan para manatiling ligtas ang ating mga mag-aaral,” giit ni Gatchalian.
318