(NI NOEL ABUEL)
KUMILOS na ang Senado laban sa mga nagpapakalat ng fake news sa mga website at social media na mahaharap sa pagkakakulong at multang aabot sa P2 milyon.
Mismong si Senate President Vicente Sotto III, ang naghain ng Senate Bill No. 9, o ang An Act Prohibiting the Publication and Proliferation of False Content on the Philippine Internet, Providing Measures to Counteract its Effects and Prescribing Penalties.
Sa oras na maipasa ang panukala ay maparurusahan na ang lahat ng nasa likod ng fake news.
Aniya sa survey ng Social Weather Survey sa ikaapat ng bahagi ng 2017 at unang bahagi ng 2018 ay 67 porsiyento ng mga Filipino na gumagamit ng internet ang nagsabing seryoso nang problema ang mga lumalabas na fake news sa websites.
“Filipinos have fallen prey to believing most of the click-baits, made up quotes attributed to prominent figures and digitally altered photos. This bill seeks to protect the public from the adverse effects of false and deceiving content online,” ayon kay Sotto.
Sa ilalim ng panukala, sinumang mapapatunayang nag-publish ng pekeng impormasyon sa internet ay mahaharap sa multang aabot sa P300,000 at kulong pa.
Samantala, sinumang gagawa ng pekeng online account o website ay mahaharap sa multang P500,000 at kulong.
At sinumang mapatutunayang nagpi-finance ng pekeng account para makapanloko ay pagmumultahin ng P1 milyon bukod pa sa pagkakakulong.
137