SPECIAL AUDIT SA PHILHEALTH IGINIIT

(NI NOEL ABUEL)

IPINAKIKILOS ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang Commission on Audit (COA) na magsagawa ng special audit sa Philippine Health Insurance Corp. (Philhealth) sa gitna na rin ng nabunyag na korapsyon at katiwalian sa ahensya.

Sinabi ni Drilon na nababahala ito sa mga problemang kinakaharap ng state health insurer, gayong nagsa-subsidize ng Philhealth ang malaking bahagi ng hospital bills at iba pang pangangailangang medical ng mga pasyente.

Sinasabing aabot na  sa P26 billion ang net operating loss ng PhilHealth sa nakalipas na limang taon, bukod pa rito ang P48 billion na unpaid claims.

“Ang ikakabahala natin ay dahil sa malaki ang subsidy ng national government sa Philhealth, that’s number one. Pangalawa, ‘yung actuarial life ng Philhealth, kung gaano kahaba ang panahon na pwedeng sagutin ng Philhealth ‘yung pangangailangang medical ng ating mga kababayan. Pangatlo, noong nakalipas na limang taon umaabot na sa P26 billion ang net operating loss ng Philhealth, hindi pa kasama rito ang unpaid claims of P48 billion. Kaya siguro ang unang hihingin natin ay pwede bang magkaroon ng special audit ang COA sa Philhealth, hindi lang annual audit, para makita natin kung magkano ba talaga ang lugi sa Philhealth at magkano ang pondo na kailangan. Kasi nagkaroon tayo ng Universal Health Care Act at lalaki ang pangangailangan ng Philhealth. Next year, ang estimate P257-B at taaas pa ito taun-taon hanggang P319-B in 2024,” paliwanag ng senador.

Aniya, sa pamamagitan ng special audit ay detalyado ang pagsusuri at mga hakbang na gagawin sa PhilHealth, at para makita na rin kung magkano na ang lugi nito.

Dagdag pa nito, ngayong ganap nang batas ang Universal Health Care Act, mangangailangan na rin ang PhilHealth ng mas marami pang pondo para patuloy na makapagbigay ng serbisyo sa taumbayan.

“Dapat tingnan din natin ‘yung collection efficiency ng Philhealth. May mga nagsasabi na 50% lamang ang collection efficiency ng Philhealth. I-examine natin ang sistema. Hindi ‘yung dagdagan natin ng daan-daang tao. Let us look at the system, with the computerization, IT, hindi ko makita kung bakit hindi natin malagyan ng sistema na makatutulong dito sa malaking problema sa Philhealth,” sabi nito.

Tinataya na pagsapit ng 2020, mangangailangan ang PhilHealth ng P257 billion na posible pang tumaas sa P319 billion pagsapit naman P2024.

Samantala, iginiit ni Drilon na kailangan nang magkaroon  ng reporma sa collection system ng PhilHealth upang mawala na ang agam-agam na may nangyayaring katiwalian sa ahensya.

 

91

Related posts

Leave a Comment