Sugalan sa lalawigan ng Cavite mistulang kinukunsinte ng Kapitolyo JUETENG NI ‘JOHN YAP’ ‘DI MASUPIL

0

(NELSON S. BADILLA)

KAHIT kailan, hindi umamin si Gobernador Juanito Victor “Jonvic” Remulla Jr. na isa sa tinatawag na “sources of wealth” ng mga politiko sa Cavite ang jueteng.

Hindi sikreto ang pamamayagpag ng jueteng sa mga lungsod at bayan ng Cavite dahil napakalaya namang umiikot ang mga tauhan ng jueteng lord na kilala sa bansag na “John Yap”.

Malaking hamon kay Gobernador Remulla ang pagpapatapos sa jueteng ni alyas John Yap.

Ang utos ni Remulla sa direktor ng Philippine National Police (PNP) sa Cavite na si Colonel Marlon Santos ang siyang nakikitang “mapagpasyang aksyon” upang kumilos ang huli laban sa jueteng empire ni alyas John Yap sa buong Cavite.

Natural lamang na kumilos si Santos sa utos ng gobernador ng Cavite dahil ito ang boss ng lalawigan at hindi ang provincial director ng PNP.

Inilabas ng SAKSI Ngayon kamakalawa ang istoryang “sacred cow” at “untouchable si Yap sa Cavite” dahil mistulang mayroong basbas ang operasyon nito mula sa pamahalaang panlalawigan ng Cavite na matagal na ring hawak ni Gobernador Juanito Victor “Jonvic” Remulla”.

Nabanggit din sa istorya na: “Hindi umano agresibo ang kampanya ng administrasyong Remulla laban sa ilegal na jueteng ni John Yap”.

Kahit ang PNP ay walang mahabang ulat ang lahat ng yunit ng pulisya sa Cavite kay Santos hinggil sa mga hinuli, ikinulong at kinasuhan na mga bataan ni John Yap, lalo na ang naturang jueteng lord.

Maging ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Cavite ay hindi kailanman naglunsad ng serye ng operasyon laban sa jueteng empire ni alyas John Yap.

Nabatid ng SAKSI Ngayon na ‘kasosyo’ umano ni Yap sina “Zalding”, “Caloy”, at “Elwin”.

Matitikas itong sina Zalding, Caloy at Elwin dahil kabisado umano ng mga ito ang pasikot-sikot sa Cavite.

Alam na alam umano ng tatlong ito kung sinu-sino ang mga karapat-dapat na hatagan ng “lingguhang tara” mula sa pamahalaang lalawigan ng Cavite, mga lungsod at bayan at tanggapan ng PNP sa Cavite, CIDG at sa buong Rehiyon ng Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon).

Batay sa impormasyong nakarating sa media, sumikat hanggang naging sacred cow at untouchable si alyas John Yap noong direktor ng PNP- Cavite si Santos at direktor naman ng PNP-Calabarzon si Major General Vicente Danao Jr. na brigadier general pa lamang ang ranggo sa nasabing panahon.

Itinalagang direktor ng National Capital Region Police Office (NCRPO) si Danao nang makuha ni General Debold Sinas ang pagiging hepe ng PNP kahit hindi masyadong kontrobersiyal ang heneral.

Kahit wala na si Danao sa Calabarzon, nanatili ang paghahari ni alyas John Yap sa Cavite sa panahong si Brig. Gen. Felipe Natividad ang direktor sa rehiyon.
Si Natividad ay pamangkin ni Interior Secretary Eduardo Año.

Tinanggal si Natividad sa Calabarzon nang maupong hepe ng PNP si General Guillermo Lorenzo Eleazar dahil ginawa naman siyang pinuno ng Special Action Force (SAF), yunit ng PNP na pantugis at panlaban sa mga komunista at terorista.

Ipinalit ni Eleazar si Brig. Gen. Eliseo DC Cruz na direktor ng Southern Police District (SPD) sa NCRPO.

Pagkaupo ni Cruz, kumalat sa media ang impormasyong tatanggalin si Col. Santos sa Cavite, ngunit hindi natuloy dahil nakakuha ng ‘padrino’ na hindi kayang banggain ni Cruz at maging ni Eleazar.

Bukod sa Cavite, talamak din ang jueteng operation ni alyas John Yap sa Rizal kung saan ang punong lalawigan ay si Gobernador Rebecca “Nini” Ynarez, balae ni Senador Ramon Revilla Jr.

Ngunit, ayon sa hindi pa “validated” na impormasyon, nawala kay Yap ang Rizal dahil pinayagan ang jueteng lord na si alyas “Renel” na kontrolin umano ang Rizal.

Ang Renel na ito ay siya ring jueteng lord Renel na nakapasok at namamayagpag sa lungsod ng Caloocan na ibinunyag ng SAKSI Ngayon nitong Miyerkoles.

Kung totoo ang impormasyong nahagip ng SAKSI Ngayon, hindi dapat hayaan ni Gobernador Remulla na matanggal si alyas John Yap sa Cavite, sa pamamagitan ng pag-agaw ni alyas Renel sa kaharian nito sapagkat ang magiging persepsyon ng mga residente ng Cavite at mga mamamahayag ay mas “galante” si Renel.

Ang nasagap ng SAKSI Ngayon na impormasyon ay dati nang pumasok si Renel sa Caloocan, ngunit umabot lang ng isang linggo ang operasyon nito dahil ipinatigil ni Danao.

Kung tototo ‘yan, malaking palaisipan kung “bakit” at “paanong” nakapasok at biglang namamayagpag ang jueteng ni Renel sa Caloocan na pinangangasiwaan ni Mayor Oscar “Oca” Malapitan mula noong 2010.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment