(NI LILY REYES)
HINDI pinalagpas ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director, PDIR Guillermo Lorenzo Eleazar , ang kabastusang ginawa ng isang Chinese National sa isang kagawad ng Philippine National Police (PNP) .
Dahil dito, irerekomenda ni Eleazar na gawing undesirable alien ang babae.
Sinabi ni Eleazar na dapat managot si Jiale Zhang, 23, estudyante ng School of Fashion sa Sofa Design Institute at nakatira sa Axis Residences, Mandaluyong City, sa kanyang ginawa kay PO1 William Cristobal , miyembro ng RMFB 4TH MFC.
Matatandaan na ang Chinese national na babae ay pumasok sa baggage inspection area ng Boni Avenue Station ng MRT na may dala-dalang “taho” bago mag-tanghali ng Sabado.
Ayon sa report , hinarang ng pulis na si PO1 William Cristobal ang Chinese national dahil sa dala nitong inumin na taho na ipinagbabawal ngayon sa mga tren ng MRT at LRT, pero habang nagpapaliwanag umano ang police ay binuhos ng babaeng Chinese national ang inumin nitong taho.
Agad na inaresto ng mga pulis ang babaeng banyaga at dinala sa himpilan ng Mandaluyong Police Station .
Nang malaman ni Eleazar ang insidente ay agad itong pumunta sa Mandaluyong police para harapin ang inarestong Chinese National na estudyante.
Sinabi pa rin ni Eleazar na kanilang irerekomenda para maging undesirable alien ang nasabing Chinese national .
“ We will recommend for her to be considered alien, she has to suffer the consequences ng kanyang ginawa “ dagdag pa ng NCRPO Chief.
Habang kausap ng Chinese si NCRPO Chief ay humingi ito ng tawad at inaming na hindi nila alam na may umiiral na batas ang mga awtoridad dito.
Nahaharap ang Chinese student ng mga kasong disobedience to agent of person of authority at direct assault.
165