(NI ABBY MENDOZA)
NAKALUSOT na sa Ikalawang Pagbasa sa House of Representatives ang ika-4 na package ng Comprehensive Tax Reform Program ng Duterte administration.
Layunin ng House Bill 304 o Passive Income and Financial Intermediary Taxation Act of 2019( PIFITA bill) na ayusin ang komplikadong sistema ng pagbubuwis sa passive income tulad ng interest at dividends at financial intermediarie.
Ayon kay Committee chairman Rep. Joey Salceda aabot sa P4.2 Billion ang kikitain ng gobyerno sa nasabing tax reform package dahil sa pagtataas sa 15% ng income tax rate sa interests, dividends at capital gains habang mababawasan naman ang buwis sa savings accounts, pre-need, pension at life insurance.
Nakapaloob sa panukala na malilibre na sa buwis ang documentary stamps tulad sa diploma, transcript at iba pang school certifications, sa oras na maisabatas ay tinatayang aabot sa 1.2 milyon graduates kada taon ang makikinabang bukod pa rito ang 2 milyon na senior high school graduate na kumukuha ng transcript of records at iba pang certifications sa mga eskuwelahan.
Libre na din sa documentary stamps para sa Oath of Office ng may 650,000 barangay officials at iba pang elective officials; gayundin ang Good Moral Standing Certificate na kinukuha ng Professional Regulations Commission(PRC) sa mga professionals kada i3 taon at maging ang mga affidavit at notarized documents, Certificate of No Marriage at ang Baptismal Certificate.
Sinabi ni Salceda na P450M ang mawawalang kita sa gobyerno dahil sa pag-alis sa documentary stamp tax(DST) subalit malaking tulong naman ang pagkaltas nito sa publiko.
Kasama din sa panukala ang pagbaba ng tax sa savings na mula 20% ay magiging 15% habang ang mga mayayaman na nagiivest sa dividend ay mas papatawan ng dagdag na 5% tax.
143