(NI BERNARD TAGUINOD)
LABIS nang naalarma ang grupo ni Alliance of Concerned Teachers (ACT) party-list Rep. France Castro dahil umaabot na umano sa pitong guro ang napaslang sa nakalipas na 5 buwan kung saan lima sa mga biktima ay pinaslang sa pamamagitan ng ‘tokhang style’.
“Nakaaalarma na ang nangyayari sa aming hanay,” ani Castro dahil bukod sa mga pinaslang ay parami nang parami umano ang mga kasamahan ng mga ito na inaaresto at sinasampahang ng ‘gawa-gawang kaso’ at tinangkang patayin.
Hindi pinangalanan ng grupo ni Castro ang mga biktima aniya ng ‘extra-judicial killings’ na pawang pinatay umano ng mga naka-maskarang riding-in tandem tulad ng mga pumapatay aniya sa mga pinaghihinalaang sangkot sa ilegal na droga mula Hulyo 2019.
Nangyayari umano ito sa hanay ng mga guro simula nang isama ang ACT party-list sa listahan umano ng mga grupong sumusuporta o front ng mga komunistang grupo sa bansa.
Itinatanggi ni Castro na front sila ng komunista at kaya lamang umano nag-iingay ang mga ito ay upang ipaglaban ang kanilang karapatan na magkaroon ng disenteng sahod.
Subalit sa kabila nito, sinabi ni Castro na hindi sila susuko at patuloy na ipaglalaban ang kanilang karapatan na magkaroon ng disenteng pamumuhay dahil sa kasalukuyan ay hindi makatarungan ang tinatanggap na sahod ng mga public school teachers.
Sa ngayon ay mahigit P20,000 lamang ang buwanang sahod ng mga Teacher 1 kaya nais ng grupo itaas ito sa P30,000.
149