TRILLANES ‘NO SHOW’ SA PAGDINIG NG REBELLION CASE

trillanes

(NI LYSSA VILLAROMAN)

MULING ipinagpatuloy ang pagdinig ng Makati City Regional Trial Court (RTC) sa kasong rebelyon laban kay Senador Antonio Trillanes IV, Lunes ng hapon.

Nagsimula ang pagdinig dakong alas-2:00 ng hapon sa sala ni Makati RTC Judge Elmo Alameda ng Branch 150  subalit “no show” o hindi nakadalo si Trillanes kung saan ni-waive ng senador ang appearance nito.

Ang isinagawang pagdinig ay ang rebellion case kaugnay sa 2007 Manila Peninsula siege kung saan na-dismiss na ito noong 2011, matapos siyang bigyan ng amnestiya ni dating pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino, ngunit binuhay ng Duterte administration noong 2018.

Sa unang bahagi ng pagdinig ay humirit si Atty. Reynaldo Robles, abogado ni Trillanes, na maglatag ng  listahan ng mga testigo upang maiwasan ang mga surpresang saksi.

Sa hirit ni Robles, sinabi nito na ang listahan ng mga testigo ay nararapat na mayroon din silang kopya para makapaghanda rin ang kampo ng senador bago ang susunod na pagdinig.

Sa hearing, isinalang sa witness stand si Assistant State Prosecutor Mary Jane Sytat at isinalaysay nito ang nangyari noong dinidinig pa ng Makati RTC branch 148 ang kasong kudeta ni Trillanes kaugnay naman sa Oakwood mutiny.

Subalit ayon sa kampo ni Trillanes, “irrelevant” ang mga salaysay ni Sytat.

Magpapatuloy naman ang pagdinig sa Hulyo 22, dakong alas-2:00 ng hapon at dito magkakaroon ng cross examination ang depensa.

 

101

Related posts

Leave a Comment