TRO VS ‘COLORUM’ MOTOR TAXIS ISINAMPA

Atty Ariel Inton-6

(PFI REPORTORIAL TEAM)

PINAHAHARANG ng  isang commuter safety advocacy group ang pag-arangkada sa kalsada ng mga motorsiklong pamasada dahil sa posibleng banta sa kaligtasan ng mga pasahero.

Dahil dito, nagsampa ng petition for injunction with application for a temporary restraining order ang Lawyers for Commuter Safety and Protection (LCSP) laban sa limang motorcycle taxi groups na wala umanong experience at walang track record para mamasada.

Ayon kay dating QC Councilor Atty. Ariel Inton, kinatawan ng LCSP, sa isang press conference kahapon, ang limang motorcycle taxi companies ay wala umanong walang basbas ng mga awtoridad o ilegal na namamasada.

“Dapat ipagbawal sa kalsada ang mga motorcycle taxi operator na walang experience at walang track record,” ani Inton na nagsampa ng petisyon kasama si Atty. Raymond Fortun, volunteer lawyer ng samahan.

Sa press conference kahapon, sinabi ni Inton na sinampahan nila ng petisyon ang We Move Things Philippines Inc. (Joyride), Habal Rides Corp., I-Sabay, Sampa-Dala Corp. at Trans-Serve Corp. dahil wala umanong pahintulot at maaaring magdulot ng peligro sa mga pasahero.

Idinagdag ni Inton, dating Land Transportation Franchise and Regulatory Board (LTFRB) member, na ang pangunahing misyon ng LCSP ay isulong ang commuter safety at itaguyod ang karapatan ng mga commuter, road users at pedestrians para sa ligtas na uri ng transportasyon.

“Malinaw na sinasabotahe ng mga kumpanyang aming sinampahan ng petisyon ang kasalukuyang pilot program para sa motorcycle taxis sa pamamagitan ng pag-o-operate bagamat walang pahintulot ng batas,” ani Inton.

Batay sa petisyon na inihain ng LCSP sa Quezon City Regional Trial Court, posibleng malagay sa peligro ang libong commuters dahil sa naglipanang motorcycle taxis na hindi man lamang dumaan sa safety standards at walang maipakitang karanasan para sa operasyon ng ganitong uri ng transportasyon.

“Di puwedeng ikumpara ang motorcycle taxi sa milk tea na nang mauso ay ang dami nang nagsulputan kahit na mababa ang kalidad. Pero higit na mapanganib kung motorcycle taxi ang pinag-uusapan dahil buhay ng pasahero, buhay ng tao ang malalalagay sa peligro kung papayagan ang mga walang experience at walang track record na motorcycle taxi na makapasada,” ani Inton.

Ayon naman kay Fortun, hiniling nila sa petisyon ang agad na pagpapalabas ng restraining order upang maagapan ang posibleng kapahamakan sa panig ng riding public.

“Anomang aksidente ng motorcycle taxi sa kritikal na panahong ito ay lubhang makaaapekto at makasasabotahe sa isinagawang pilot program,” dagdag pa ni Fortun.

161

Related posts

Leave a Comment