IPINAG-UTOS ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang muling pagsasaayos sa National Intelligence Coordinating Agency (NICA) sa layuning palakasin ang pangangalap ng impormasyon ng ahensiya para matiyak ang national security sa gitna ng pabago-bagong mga banta.
Nakasaad sa Executive Order No. 54 na tinintahan ni Executive Secretary Lucas Bersamin na may pangangailangan na i-reorganisa ang NICA para maka-adopt sa umuusbong at pabago-bagong banta pagdating sa national security.
Ang NICA, ayon sa Presidential Communications Office (PCO) ay nilikha sa pamamagitan ng EO No. 246 (s. 1987).
Sa bagong EO, ipinag-utos nito ang pagtatatag ng Office of the Deputy Director General (ODDG) for Cyber and Emerging Threats, na may tungkulin na magbigay ng direksyon sa “overall planning, supervision and coordination” ng NICA ukol sa counter-intelligence at counter-measures laban sa cybersecurity threats, weapons of mass destruction, at iba pang lumulutang na mga banta.
Ang ODDG for Cyber and Emerging Threats ay pamumunuan ng Deputy Director General na may ranggong Assistant Secretary.
Mismong si Pangulong Marcos ang magtatalaga sa posisyong ito at bubuuin ng Directorate for Counterintelligence and Security (DCS) at Directorate for Cyber Intelligence and Countering Weapons of Mass Destruction (DCCWMD).
(CHRISTIAN DALE)
107