MISTULANG nilaglag ng mga opisyales ng Armed Forces of the Philippines (AFP) si Vice President Sara Duterte matapos itanggi ng mga ito na may natanggap silang confidential funds ng Department of Education (DepEd) sa kanilang Youth Leadership Summit (YLS).
Sa pagdinig ng House committee on government and public accountability, pawang kinumpirma ng mga opisyal ng Philippine Army (PA) na sina Col. Manaros M. Boransing, Lt. Col. Carlos B. Sangdaan Jr., Col. Magtanggol G. Panopio at Maj. General Adonis R. Bajao na walang nakuhang intelligence funds para sa kanilang YLS activities sa kani-kanilang area of jurisdiction.
“You confirm earlier Col. Boransing that you’re using the funds of Philippine Army, you confirm that?,” tanong ni Batangas Rep. Gerville Luistro na sinagot ng opisyal ng “yes your Honor”.
Si Boransing ay nagsagawa ng 22 YLS para sa 1,303 participant at 49 IEC activities na dinaluhan ng 8,754 kabataan sa Ilocos Norte, Ilocos Sur at La Union.
“For our participant we used the funds of Philippine Army, for student they used the fund of local government unit (kung saan galing ang mga estudyante) funds,” paliwanag pa ni Boransing at bagama’t may mga participant aniya mula sa DepEd at Philippine National Police (PNP) sa ganitong aktibidad ay ang mga ipinadalang mga tauhan lang ang kanilang ginastusan.
“KKB (kanya-kanyang bayad) po,” ani Boransing na sinegundahan naman ni Panopio ng 7th Infantry (Kaugnay) Division, na nagsagawa ng 3 YLS activities sa Bulacan, Nueva Ecija at Zambales noong nakaraang taon.
Kinakalkal ang YLS activities ng AFP dahil kabilang umano ito sa ginastusan ng DepEd noong nakaraang taon ng P15 million mula sa P150 million confidential and intelligence funds ng ahensya sa ilalim ng pamumuno ni Duterte.
Inamin ng mga nabanggit na opisyales na nag-isyu ang mga ito ng certification ukol sa kanilang mga aktibidad matapos hingin umano ng DepEd sa pamamagitan ni Usec ret. Major General Nolasco A. Mempin.
Gayunpaman, itinuro ni Mempin ang dating chief of staff ni Duterte sa DepEd na si Michael Poa na nag-utos umano sa kanya na humingi ng sertipikasyon matapos atasan ang mga ito ng Commission on Audit (COA) ng accomplishment report hinggil sa P15 million na ginastos umano ng ahensya sa kanilang YLS activities.
Nang uriratin pa ng mga mambabatas, umamin si Poa na wala silang ibinigay na pondo sa AFP para sa nasabing aktibidad. (BERNARD TAGUINOD)
74