(NI ROSE PULGAR)
TURUAN ngayon ang usaping may kaugnayan sa pagpo-prosero ng passport at umano’y pagtangay ng dating kompanya sa mga personal na data ng mga aplikante.
Kanina ay nagsalita si dating Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Perfecto Yasay sa umano’y illegal na pagkuha ng sub-contractor ng kompanyang pag-aari ng pamahalaan, ang APO Production Unit, noong panahon na nakaupo pa bilang kalihim si secretary Albert Del Rosario.
Ipinaliwanag ni Yasay na hindi ninakaw o tinangay ng dating contractor ang data sa pagpo-proseso ng pasaporte kundi itinago ito sa pasilidad ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at mayroon din sa punong tanggapan ng DFA.
Ayon kay Yasay, ang paggawa ng machine readable electronic passports (MREPs) ay naka-sub contract kay kompanyang Francois-Charles Oberthur Fiduciare noong 2006 batay na rin sa rekomendasyon ng BSP at kahit tinapos na ang kanilang kontrata noong 2009, nanatili silang tumulong sa paggawa ng pasaporte ng libre hanggang taong 2014 at lahat ng kanilang data ay ipinangalaga sa pasilidad ng BSP.
Sinabi pa ni Yasay na sa kabila ng pagbabawal sa kompanyang APO na nasa ilalim ng Presidential Communications Office na hindi sila pahihintulutang kumuha ng sub-contractor ng walang isinasagawang bidding, kinuha pa rin nila ang United Graphic Expression Corporation (UGEC) para sa production ng e-passport ng walang nangyaring bidding.
Ito ang dahilan kaya’t umeksena na palabas ang Oberthur na libreng nagbibigay ng kanilang serbisyo kaya’t hindi tamang sabihin na tinangay nila ang lahat ng data, tulad ng unang pahayag ni DFA Secretary Teddy Boy Locsin.
Itinuro rin ni Yasay ang ilang kongrresista na karamihan ay miyembro ng makapangyarihang Commission on Appointments na nanghimasok upang maipagpatuloy ng UGEC ang pagpo-proseso sa kabila ng illegal na pagpasok nito sa eksena
Samantala tiniyak naman ni Locsin Jr. na tutukuyin nila ang mga taong nasa likod ng nangyaring passport data breach kamakailan.
Sa isang Twitter post, sinabi ni Locsin na inaasahan na niyang maglulunsad ng social media campaign laban sa kanya ang mga taong nasa likod ng insidenteng ito.
Subalit iginiit ng kalihim na hindi niya ipapatawag ang mga dati at kasalukuyang mga opisyal ng DFA na posibleng dawit sa kontrobersiyang ito.
Aniya, ipapaubaya na lamang sa Senado at Department of Justice ang ilulunsad na imbestigasyon hinggil dito.
239