Natalo raw ang UP experts sa COVID-19 ROQUE, SINUNGALING – SOLON

HINDI lamang ang mga netizen ang bumakbak sa pagbubunyi ni Presidential Spokesman Harry Roque na tinalo na nila ang prediksyon ng University of the Philippines (UP) na aabot sa 40,000 ang kaso ng COVID-19 sa bansa sa pagtatapos ng buwan ng Hunyo.

“Hindi na nahiya ang Presidential Spokesperson sa kanyang sinabi sa publiko na tinalo ng Pilipinas ang COVID-19 prediction ng UP habang buong galak niyang sinasambit ito,” pahayag ni Bayan Muna party-list Rep. Eufemia Cullamat.

Sinabi ng mambabatas na nakapa-insensitive umano ni Roque at tahasan ang pagsisinungaling nito para lang pagtakpan ang katotohanan sa kalagayan ng bansa sa pandemyang ito.

Ayon sa katutubong mambabatas, mismong sa DOH (Department of Health) trackers ay ipinakikita na umaabot sa 46,335 katao ang positibo sa COVID-19 kung saan 36,438 pa lamang dito ang naba-validate ng ahensya.

“Hirap na nilang lunukin ang katotohanan na madaming backlog talaga at kapalpakan sa administrasyon na ito sa epektibong pagtugon sa pandemya. Pinakita sa DOH tracker na mayroong 46,335 indibidwal na naging positibo sa bayrus. Napakaliwanag ng impormasyong ito,” ayon pa kay Cullamat.

Magugunita na sa press conference ni Roque, mistulang hibang ito sa pagbubunyi at napasuntok pa sa hangin dahil tinalo umano ng mga ito ang prediksyon ng UP na aabot sa 40,000 ang COVID-19 positive case sa Pilipinas sa buwan ng Hunyo, dahil 36,438 lamang ang kasong naitala at 1,000 na lamang ang backlog.

“Hindi UP ang kalaban natin dito, kundi ang COVID virus. Pinalalala ito ng mga pagtatakip ng pamahalaan sa tunay na sitwasyon at ng [nakadidismayang] labis na kakulangan sa tugon sa problema ng pandemya,” ani Cullamat.

Kaya umano lumalala ang COVID-19 case sa bansa ay dahil walang libreng mass testing, walang epektibong contract-tracing ang gobyerno at kulang ang puwersa ng frontliners. (BERNARD TAGUINOD)

246

Related posts

Leave a Comment