INANUNSYO ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mayroon nang flood control master plan ang pamahalaan at kasalukuyan na itong isinasagawa upang matugunan ang problema sa pagbaha sa bansa.
Ayon sa Pangulo, matagal nang mayroon ang bansa na flood control master plan ngunit hindi ito naipatupad noon.
“Mayroon na tayong master plan. Hindi lamang ito naipatupad. Isinasagawa na natin ito ngayon. Ilang dekada na tayong may master plan pero walang ginawa. Ngayon lamang natin ito sinisimulan,” pahayag ni Pangulong Marcos matapos inspeksyunin ang nasirang Aquino at Agana bridges sa Barangay San Isidro, Tarlac City.
Sinabi rin ng Pangulo na nakaranas ang bansa ng hindi pangkaraniwang dami ng ulan at tubig na nagdulot ng matinding pagbaha at pinsala sa mga tulay.
Aniya, kabilang sa mga tulay na napinsala ang Agana Bridge na matagal nang nakatayo at wala namang naging malubhang problema hanggang sa kasalukuyang insidente.
Binigyang-diin din ni Pangulong Marcos ang epekto ng climate change sa matinding pag-ulan at pagbaha na nararanasan ng bansa.
“At ito talaga ay maliwanag na maliwanag, ito ang epekto ng climate change. Dahil sa buong karanasan ng Pilipinas, ngayon lang tayo nakatikim ng ganitong klaseng ulan, ganitong klaseng pagbaha dahil nga nagbabago ang panahon dahil nga sa climate change,” pahayag ng Pangulo.
Kasama ni Pangulong Marcos sa inspeksyon si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon.
Sinabi ng Pangulo na inaasahang papayagan ang light traffic sa Agana Bridge sa loob ng dalawang linggo, habang maaaring mas matagal ang pagkukumpuni sa Aquino Bridge dahil mas malaki ang pinsalang natamo nito.
Ayon sa Pangulo, kailangang dumaan pa sa Gerona ang mga motorista dahil ito ang natitirang alternatibong ruta para sa mga naapektuhan ng pagkasira ng Agana at Aquino bridges.
“Napakalayo masyado, kaya minamadali namin, binibilisan namin ang pag-aayos dito,” pahayag ni Pangulong Marcos.
(CHRISTIAN DALE)
56 