TAX EXEMPTION SA MGA ATLETA, COACH UMUSAD SA KAMARA

PASADO na sa House Committee on Ways and Means ang panukalang batas na magbibigay ng tax exemptions at iba pang insentibo sa mga pambansang atleta at coach matapos itong iharap ni Leyte 4th District Rep. Richard Gomez.

Isinusulong ni Gomez ang pag-apruba sa probisyon sa ilalim ng Substitute Bill na naglalayong amyendahan at palawakin ang mga benepisyo sa ilalim ng Republic Act No. 10699 o ang National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act.

Sa ilalim ng naaprubahang probisyon, magiging ganap nang libre sa anumang uri ng pambansa at lokal na buwis, bayarin at iba pang charges ang lahat ng insentibo, premyo, bonus at emoluments na matatanggap ng mga atleta at coach kapag sila ay lumaban o nagwagi sa mga internasyonal na kompetisyon.

Bukod sa direktang benepisyo sa mga atleta, layon din ng panukala na palakasin ang pakikipagtulungan ng pribadong sektor sa larangan ng palakasan.

Sa ilalim ng bagong probisyon, ang anumang donasyon, regalo, endowment at kontribusyon mula sa mga pribadong indibidwal o kumpanya na nakalaan para sa pagsasanay at gastusin sa kompetisyon ng mga atleta ay ituturing na allowable deductions mula sa gross income ng donor.

Binigyang-diin ni Gomez, na Vice Chairperson ng House Committee on Youth and Sports Development, na nararapat lamang na kilalanin ang sakripisyo, dedikasyon at tagumpay ng mga pambansang atleta na nag-uuwi ng karangalan sa bansa.

Ayon sa mambabatas, dapat na buong-buo at walang anumang bawas na matanggap ng mga atleta ang mga premyong kanilang pinaghirapan.

Idinagdag niya na ang pagbibigay ng targeted tax incentives sa pribadong sektor ay makatutulong upang mas maraming kompanya ang mamuhunan sa mga pasilidad, pagsasanay at international campaigns ng mga atletang Pilipino.

Itinuturing na malaking hakbang ang pag-apruba ng komite sa naturang probisyon tungo sa pagbuo ng mas matibay na suportang pinansyal para sa sektor ng palakasan sa Pilipinas.

(TINA MENDOZA)

52

Related posts

Leave a Comment