PBBM NAGSAGAWA NG AERIAL INSPECTION SA MGA BINAHANG LUGAR SA TARLAC

NAGSAGAWA ng aerial inspection si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Miyerkoles sa mga binahang lugar sa Tarlac kasunod ng pananalasa ng mga bagyo at epekto ng Southwest Monsoon o Habagat.

Mula sa ere, nakita ng Pangulo ang lawak ng pinsala, lalo na sa mga kabahayan at komunidad na patuloy na nakalubog sa tubig.

Kasama ni Pangulong Marcos sa aerial inspection si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon.

Bahagi ang pag-iinspeksyon sa pagsisikap ng pamahalaan na mabilis na matukoy at masuri ang lawak ng pinsala ng kalamidad upang mapabilis ang pagtugon at pag-ayuda sa mga residenteng naapektuhan.

Matapos ang aerial inspection, personal ding ininspeksyon ng Pangulo ang napinsalang Aquino Bridge sa Tarlac City.

Matinding pinsala ang tinamo ng ilang bahagi ng tulay dahil sa malakas na agos ng tubig sa ilog na dulot ng matinding pag-ulan.

Ayon sa ulat, tinatayang 13,400 motorista ang gumagamit ng nasabing tulay bawat araw.

Sa post ng Presidential Communications Office (PCO) sa Facebook, makikita ang pag-iinspeksyon ni Pangulong Marcos sa mga nasirang Aquino at Agana bridges sa Barangay San Isidro, Tarlac City, gayundin sa mga lugar na naapektuhan ng pagbaha.

(CHRISTIAN DALE)

52

Related posts

Leave a Comment