NCRPO naka-full alert sa Sept. 21 PWERSA NG PULISYA ITOTODO SA MAYNILA

NAKA-FULL ALERT status ang buong puwersa ng Philippine National Police–National Capital Region Police Office (PNP-NCRPO) simula alas-12:01 ng madaling araw sa Setyembre 19, 2026, bilang paghahanda sa paggunita sa deklarasyon ng Martial Law.

Ayon kay PNP Spokesperson PCol. Allen Rae Co, mahigit 15,000 pulis ang ide-deploy sa Metro Manila upang tiyakin ang kaayusan at seguridad sa mga inaasahang kilos-protesta ng mga progresibong grupo.

Ang deployment ay kaugnay ng paggunita sa ika-54 na anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law na inaasahang sasabayan ng mga malawakang pagkilos, kabilang ang mga protesta laban sa umano’y graft and corruption sa pamahalaan, partikular sa mga flood control project.

Tinawag namang “overkill” ng mga militanteng grupo ang laki ng police deployment.

Ayon kay Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) Secretary-General Mong Palatino, maaaring magmistulang “garrison” ang Maynila dahil sa dami ng pulis at sundalong ikakalat upang magbantay sa mga kilos-protesta.

Sinalungat naman ito ni Col. Co at sinabi na nakabatay sa pag-aaral at pakikipag-ugnayan sa mga concerned stakeholders ang bilang ng mga pulis na ide-deploy.

“Ginawan ito ng pag-aaral. Ginawan ito ng pag-uusap kasama yung ating mga concerned stakeholders at dito lumitaw ang mga pangangailangan [sa] puwersa para masiguro ang kaayusan sa araw na iyon,” ani Co sa isang pulong-balitaan sa Camp Crame.

Ayon pa kay Co, may direktiba si PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na pairalin ang maximum tolerance sa mga raliyista.

“‘Di bale nang medyo sumobra na sinasabi nila, pero ma-ensure naman natin na yung general public will not be endangered and will not be inconvenienced,” ani Co.

Sa ngayon, sinabi ng PNP na wala silang namomonitor na validated threat kaugnay ng mga aktibidad sa Setyembre 19.

Gayunman, nanawagan si Co sa mga raliyista na huwag subukan ang determinasyon ng mga pulis na itinalaga para sa seguridad.

“Let us not test [the PNP]. Huwag na nating anuhin pa yung resolve ng ating kapulisan, ng authorities,” ani Co.

Kasabay nito, nagbabala ang PNP na mahigpit na ipinagbabawal ang pagsusuot ng balaclava sa mga kilos-protesta.

(JESSE RUIZ)

79

Related posts

Leave a Comment