MERALCO NAGHATID NG TULONG SA MGA APEKTADO NG HABAGAT; MULING NAGPATUPAD NG BAWAS-SINGIL SA KURYENTE

MALASAKIT. Pinangunahan ni Meralco Chairman at CEO Manuel V. Pangilinan (gitna) kasama si One Meralco Foundation President Jeffrey O. Tarayao (kanan) ang pamamahagi ng ayuda sa Apalit, Pampanga, isa sa mga lugar na lubhang naapektuhan ng baha at malakas na ulan dulot ng habagat.

Matapos ang halos isang buwan kung kailan nakaranas ng malakas na pag-ulan ang iba’t-ibang lugar sa bansa, personal na nagpunta si Manuel V. Pangilinan, ang Chairman at CEO ng Manila Electric Company (Meralco), para maghatid ng tulong sa kaniyang bayan na Apalit, Pampanga—isa sa mga lugar na matinding naapektuhan ng pagbaha.

Noong Setyembre 13, pinangunahan ni Pangilinan ang MVP Tulong Kapatid, kung saan kabilang ang One Meralco Foundation (OMF), sa relief operations para sa mga pamilyang lumikas at pansamantalang nanunuluyan sa Jose Escaler Memorial School sa Barangay San Juan, kung saan siya lumaki.

Sa isang post sa social media, ipinahiwatig ni Pangilinan ang kaniyang pagpapasalamat sa pagkakataon na mapakinggan ang pangangailangan ng ating mga kababayan.

TULONG KAPATID. Pinangunahan ni Meralco Chairman at CEO Manuel V. Pangilinan ang pamamahagi ng ayuda sa Apalit, Pampanga. Bahagi ng programa ang One Meralco Foundation, PLDT-Smart Foundation, Metro Pacific Investments Foundation, Alagang Kapatid Foundation, Inc., Maynilad Water Services Inc., at Makati Medical Center Foundation.

Kaisa rin sa paghahatid ng tulong sa mga naapektuhan ng habagat ang PLDT-Smart Foundation, Metro Pacific Investments Foundation, Alagang Kapatid Foundation, Inc., Maynilad Water Services Inc., at Makati Medical Center Foundation.

Simula Agosto, nakapaghatid na ang OMF ng ayuda sa higit 6,000 pamilyang naapektuhan ng baha at malakas na ulan sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Rizal, Nueva Ecija, at Pampanga. Nagpapatuloy pa rin ang OMF sa pamamahagi ng ayuda sa mga nangangailangan.

MALASAKIT. Personal na nagtungo si Meralco Chairman at CEO Manuel V. Pangilinan sa Apalit, Pampanga para maghatid ng tulong sa mga pamilyang lubhang naapektuhan ng habagat.

Samantala, patuloy naman ang pagpapaalala ng Meralco sa mga customer nito na ugaliin ang ligtas na paggamit ng kuryente lalo na at hindi pa tapos ang tag-ulan at posible pa rin ang mga pagbaha. Ang mga simpleng hakbang ay makatutulong para maiwasan ang mga aksidente tulad ng sunog at pagkakuryente.

Kung sakaling mayroong pagbaha, patayin agad ang main power switch o circuit breaker at tiyaking tuyo ang mga kamay bago hawakan ang anumang electrical appliance at pasilidad. Tanggalin sa pagkakasaksak ang lahat ng mga appliance at patayin ang mga gamit na de-kuryente. Kung maaari, tanggalin din ang mga bombilya.

Kapag humupa na ang baha, linisin ang putik at dumi mula sa electrical equipment gamit ang rubber gloves at rubber-soled na sapatos. Iwasan ang mga linya at pasilidad ng kuryente na nasira o nalubog sa baha.

Para sa karagdagang kaligtasan, hinihimok ng Meralco ang mga customer nito na ipasuri sa lisensyadong electrician ang mga nabasang appliances at wiring system.

Panibagong bawas-singil sa kuryente

Nagpabatid rin ang Meralco kamakailan ng magandang balita. Ngayong buwan ng Setyembre, nagpatupad ang kumpanya ng isa pang bawas-singil sa kuryente kasunod ng nauna nang tapyas na ipinatupad noong nakaraang buwan.

Nasa P0.0409 kada kWh ang pagbaba ngayong Setyembre kaya nasa P14.7424 kada kWh ang kabuuang rate para sa isang pangkaraniwang pamilya.

Matatandaang nagpatupad rin ang Meralco ng P0.0428 kada kWh na bawas-singil sa kuryente noong Agosto.

“Umaasa kami na makatutulong ulit itong panibagong tapyas sa singil sa aming mga customer,” ani Joe R. Zaldarriaga, Meralco Vice President at Head of Corporate Communications.

“Makakaasa ang aming mga customer na patuloy na maghahatid ang Meralco ng maaasahan, ligtas, at tuluy-tuloy na serbisyo ng kuryente,” dagdag niya.

Meralco Vice President at Head of Corporate Communications Joe R. Zaldarriaga

Para sa mga residential customer ng Meralco na kumokonsumo ng 200 kWh, katumbas ang pinakabagong bawas-singil ng humigit-kumulang P8 na tapyas sa kabuuang bill sa kuryente. Ang mga customer naman na may mas malaking konsumo ay mas malaki rin ang makikitang bawas sa kanilang bill. Para sa mga kumokonsumo ng 300 kWh, 400 kWh, at 500 kWh, ang bawas-singil ay katumbas ng P12, P16, at P20 na tapyas sa kabuuang bill ayon sa pagkakasunod.

Ang pagbaba ng ancillary service charges na kinokolekta ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) at pagbaba ng buwis ang pangunahing dahilan ng bawas-singil ngayong buwan matapos matabunan ng mga ito ang pagtaas sa generation charge.

Patuloy pa rin na napapakinabangan ng mga customer ng Meralco ang dalawang refund na ipinatutupad ng kumpanya na katumbas ng kabuuang P1.0139 kada kWh para sa mga residential customer.

Ang mga pass-through charges para sa generation, transmission at ancillary service ay binabayaran ng Meralco sa mga power supplier at NGCP, habang ang buwis, universal charges, at iba pang public policy charges ay inire-remit sa pamahalaan.

Wala pa rin naman pagbabago sa distribution charge ng Meralco para sa tipikal na residential customer noong Agosto 2022.

94

Related posts

Leave a Comment