DOJ: PNP-CIDG BAHALANG MAGDAGDAG NG RESPONDENTS SA KASO NI PADILLA

IPINAUBAYA ng Department of Justice (DOJ) sa Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang posibleng pagdaragdag ng mga respondent sa reklamong obstruction of justice laban kay Senator Robin Padilla.

Ayon kay Justice Undersecretary Ian Norman Dato, ilang beses nang nagpulong ang PNP-CIDG at DOJ alinsunod sa Department Circular No. 20, na nagbibigay ng pagkakataon sa law enforcement agencies na buuin at palakasin ang kanilang kaso bago ito isumite sa prosecution.

Ginawa ni Dato ang pahayag matapos tanungin kung bakit hindi kabilang sina Senator Alan Peter Cayetano at dating Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca sa mga respondent sa reklamong obstruction of justice na inihain sa Office of the Ombudsman.

Sinabi ni Dato na sa ngayon, ang rekomendasyon ng PNP-CIDG ay limitado sa mga pangalang nakasaad sa inisyung subpoena.

Ang reklamo ay kaugnay ng umano’y pagtulong sa pagtakas ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa mula sa warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC).

Wala rin umanong rekomendasyon sa ngayon na isailalim si Padilla sa Immigration Lookout Bulletin Order upang mamonitor ang kanyang biyahe sa ibang bansa.

Samantala, sinabi ng DOJ na wala itong planong patulan ang pahayag ni Padilla na mas nais niyang harapin ang reklamo ng ICC kaysa sa reklamong isinampa laban sa kanya ng kapwa Pilipino.

Sa isang regular press conference, sinabi ni Dato na pursigido ang National Prosecution Service (NPS) na suriin ang lahat ng ebidensyang ilalatag ng PNP-CIDG laban sa mga respondent, kabilang si Padilla.

Nilinaw ni Dato na magpapatuloy ang preliminary investigation sa reklamo laban kay Padilla, anuman ang naging pahayag ng senador tungkol sa ICC case.

Obligasyon umano ng DOJ na magsagawa ng imbestigasyon at mag-isyu ng subpoena upang mabigyan ng pagkakataon ang mga respondent na magsumite ng kanilang counter-affidavit at mga ebidensya.

Binigyang-diin ni Dato na bahagi ito ng proseso upang mabigyan ang magkabilang panig ng pagkakataong maipaliwanag ang kanilang posisyon bago matukoy kung may sapat na basehan para ituloy ang kaso.

(JULIET PACOT)

64

Related posts

Leave a Comment