PROBLEMA SA PENSIYON NG ASAWA NG PULIS, NAAYOS NA NAMIN

RAPIDO ni PATRICK TULFO

LUMAPIT sa aming programa si Gng. Celia de Guzman, biyuda ng pulis na si Romy de Guzman, na sumakabilang buhay na noong nakaraang taon.

Humingi ng tulong sa aming programa ang ginang dahil sa tagal ng proseso ng paglilipat ng pensiyon ng asawa sa kanya, na mag-iisang taon na kung hindi ito naayos.

Hindi naman bago sa amin ang mga reklamo na may kinalaman sa benepisyo ng mga pulis at karamihan ng mga natanggap naming reklamo dati ay may kinalaman sa kakulangan ng mga dokumento kaya hindi maproseso ng PRBS o PNP Retirement and Benefit Service.

Pero sa kaso ni Gng. Celia de Guzman, nakapagtataka na inabot ng halos isang taon ang proseso ng paglilipat ng pensiyon ng mister sa ginang dahil matagal nang nakumpleto ang requirements kaya nga nagpepensyon na ang mister nito.

Ang problema, ayon sa mga nakausap ni Gng. De Guzman sa opisina ng PRBS, ay ang pirma ng isang abogado (hindi namin nakuha ang pangalan) na miyembro ng opisinang ito na bihira raw pumasok, kaya natetengga nang matagal ang pagproproseso ng mga simpleng dokumento na katulad ng sa aming complainant.

Halos araw-araw na raw kung mag-follow-up si Gng. De Guzman sa opisina ng PRBS dahil kailangan niya raw ng pera para naman sa kanyang mga gamot na iniinom.

At matapos namin na mailabas ang reklamo sa aming programa sa DZME 1530khz ay nagkaroon na ng linaw ito matapos ang ilang linggo.

Nagpadala ng mensahe ng pasasalamat si Gng. Celia de Guzman sa amin dahil sa wakas ay naayos na ang pensiyon ng kanyang asawa at nailipat na sa kanya.

Sa istorya na inilabas namin sa aming social media accounts na FB, Instagram, YouTube at Tiktok, pinaalalahanan ko ang pamunuan ng PNP Retirement and Benefit Service na maging maagap sa pagpoproseso ng mga dokumento ng mga miyembro ng PNP at kanilang mga benepisyaryo upang maipakita sa mga ito na pinahahalagahan ng pwersa ang naging serbisyo ng mga ito sa bayan.

35

Related posts

Leave a Comment